Pinasalamatan ni Gob. Manuel N. Mamba si First Lady Luiza “Lisa” Araneta-Marcos sa programa nitong Libreng Laboratoryo, Konsulta, at Gamot Para sa Lahat o Lab for All caravan na ginanap sa Cagayan Sports Coliseum at Mamba Gymnasium, Tuguegarao City noong ika-27 ng Pebrero 2024.

Layunin ng caravan na tugunan ang pangangailangang serbisyong medical ng mga mamamayan kung saan ipinagkakaloob ang libreng konsultasyon, laboratory test tulad ng ultrasound, hematology, x-ray, pati na rin ang minor surgery, gayundin ang serbisyong legal.

Ayon sa Gobernador, ang ganitong uri ng programa ay mahalagang mapanitili dahil dito aniya nakikita ang mga problema ng tao at pagkukulang ng pamahalaan na dapat tutukan at bigyan ng solusyon.

Pinuri rin Gob. Mamba ang First Fady dahil sa ganitong ‘out of the box’ at ‘innovative’ na ideya para masuri agad ang mga karamdaman ng mga tao at mabigyan ng prebensyon.

Hiniling naman ni Gob. Mamba sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na palawakin pa ang serbisyong sakop ng kanilang mga programa upang matugunan ang pangangailan ng mga tao lalung-lalo na ang medikal na aspeto. Inihalimbawa ng Gobernador ang laboratory test o diagnosis ng mga sakit gaya ng diabetes, highblood at sakit sa bato ng mga outpatient na hindi na sakop ng serbisyo ng PhilHealth.

Bukod pa rito, hinikayat din ni Gob. Mamba ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Department of Health (DOH) na tumulong sa pagpapalawak ng serbisyong hatid ng PhilHealth upang mas marami pang mamamayan ang matulungan

Nagpasalamat din si Gob. Mamba sa mga linyang ahensya na tumulong upang matagumpay na maisagawa ang Lab for All: Caravan.