Muling inihayag ni Gob. Manuel N. Mamba ang kanyang pagtutok sa mga problemang kinakaharap sa Fuga Island sa bayan ng Aparri sa kanyang pagbisita kahapon Abril 20, 2022.

Isa sa pinakasuliranin na kinakaharap ng Fuga Island na isa sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas ng Babuyan Group of Islands na mayroong mahigit dalawang libong mamamayan ay ang kahirapan at ang limitadong serbisyo ng gobyerno sa isla dahil ang lugar ay mahirap puntahan lalo na sa panahon ng amihan dahil sa lakas ng mga alon.

Problema rin ng mga mamamayan ang kanilang mga lupain dahil wala silang sariling lupa na sinasaka maging ang mismong tinitirikan ng kanilang mga bahay ay hindi kanila.

“Tuloy-tuloy ang laban natin sa Fuga Island. Alam niyo ang mga tao sa Fuga they don’t own anything there pati yung tintirikan ng kanilang bahay hindi nila pagmamay-ari. Pati yung tinitirikan ng mga eskwelahan doon hindi raw pagmamay-ari ng national government dahil yung buong island daw ay private property but I disagree with that.” ani Gob. Mamba.

Samantala, tuluy-tuloy naman ang pagbaba ng tulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa Isla ng Cagayan gaya na lamang ng pamamahagi ng tulong pinansiyal sa ilalim ng No Barangay Left Behind “NBLB” Program, pagpapatayo ng kauna-unahang High School at ang mga programang nakatuon sa COVID-19 response ay ipinagkakaloob din ng Kapitolyo ng Cagayan sa mga mamamayan sa Isla at marami pang iba.

Umaasa ang Gobernador na mapansin ng national government ang kasalukuyang sitwasyon ng mamamayan ng Isla upang maramdaman nilang hindi sila napag-iiwanan at upang makita nilang may gobyernong handang kumalinga sakanila.

Naniniwala rin si Gob. Mamba na darating ang araw na magkakaroon ng sariling lupa ang mga pamilya sa isla at makapagpatayo ng mga imprastraktura upang madaling makaabot sa lugar ang mga serbisyo at tulong ng pamahalaan upang darating ang pag-unlad na matagal nang inaasam-asam.