Nagpahayag ng pasasalamat at paghanga si Renniel Z. Tambalque, kinatawan ng Science, Technology, Engineering, and Mathematics (STEM) student ng Ballesteros National High School (BNHS) kay Cagayan Governor Manuel N. Mamba dahil sa mga nagawa at mga plano pa sa Cagayan Animal Breeding Center & Agri-Eco Tourism Park sa Zitanga, Ballesteros, Cagayan.

Ginawa ni Tambalque ang kanyang pasasalamat sa kanilang culminating activity kahapon, Abril 18, 2024 sa Cagayan Breeding Center kasama ang 26 pang estudyante ng BNHS.

Ayon kay Tambalque, hindi niya makalilimutan noong bumisita at nagbigay ng mensahe ang Gobernador sa breeding center. Aniya, dito niya lubos naunawaan ang diwa ng Gobernador kasabay ng kanyang paghanga sa mga pagbabagong nagawa sa breeding center maging ang planong pagtatayo pa ng training center.

“Malaking tulong ang animal breeding center sa amin na mga estudyante ng BNHS at sa mga darating pa na araw. Nagpapasalamat kami kay Gov. Mamba at humahanga ako sa nagawa niyang pagbabago at sa mga plano pa niya sa breeding center. Nakakagulat dahil sobrang lawak pala nito na 42 hectares. Just imagine kapag nagawa na lahat ng pasilidad dito, nakaka-wow talaga,” saad ni Tambalque.

Dagdag pa ni Tambalque, itinuturing niyang espesyal na karanasan ang kanilang 30 araw na work immersion sa breeding dahil sa kanilang mga natutunan sa tulong nina Dr. Wilfredo S. Iquin, Jr., Dr. Cayetano U. Rabanal Jr., at iba pang empleyado ng Provincial Veterinary Office (PVET).

Nagpasalamat rin si Mr. Cipriano O. Tabenga, Teacher II at Senior High School Coordinator ng BNHS kasabay ng paggawad ng Certificate of Appreciation sa PVET na pinangunahan ni Mrs. Melongyn Penuela Sanidad Ogalino, ang Adviser ng 12 STEM Falcon. Dumalo rin ang iba pang mga guro ng BNHS sa isinagawang work immersion culminating activity sa breeding center.