Umaasa ngayon si Executive Director Joniro F. Fradejas, ng National Council on Disability Affairs (NCDA) na maitatala na ang tunay na bilang ng mga Persons with Disabilties (PWDs) sa Cagayan sa pamamagitan ng kanilang ibinigay na mga desktop computer sa 28 na munisipalidad sa probinsiya, ngayong Lunes, Mayo 15, 2023.

Inihayag ito ni Director Fradejas kasabay ng awarding ceremony na ginanap sa Taj Hotel, Tuguegarao city, kasama si Provincial Social Welfare and Development Officer Helen Donato at Clarita Lunas, consultant of Education ng PGC bilang kinatawan ni Governor Manuel Mamba.

Napag-alaman ayon kay Fradejas na magka-iba umano ang datos na mayroon ang ibang ahensiya ng pamahalaan sa datos na mayroon ang NCDA. Inihalimbawa nito ang National Economic Development Authority (NEDA) report kung saan sa kanilang datos ay mayroong 16,383 na PWDs sa Cagayan samantala sa NCDA, Philippine Registry of Persons with Disabilities at LGU Disabiltiy Data Compliance Report ay mayroon lamang 10,922.

Aniya, mahalaga na malaman ang totoong bilang ng mga PWDs upang maibigay ang nararapat na programa at serbisyo sa bawat miyembro at maiwasan ang reklamo. Magiging basehan na rin umano kasi ito ng ibang mga ahensiya sa pagbibigay ng tulong pinansiyal at iba pang hakbang katulad ng isinusulong na panukala ni Senator Imee Marcos para sa mga PWDs sa pagbibigay ng buwanang tulong na P2,000 sa bawat miyembro.

“Mahalaga ang bawat numero. We have no data of how many people are PWDs. Without data, we cannot implement projects, we do not guess,” saad ni Fradejas.

Ayon pa sa Director, ang desktop computer ay manananitili sa pangangasiwa ng mga Persons with Disability Affairs Office (PDAO) o Municipal Social Welfare and Development Officers (MWSDO) na gagamitin sa pag-upload sa system ng NCDA ng mga PWDs.

Kaugnay rito, ibinahagi rin sa mga dumalong MWSDO at PDAO-designate ang iba’t-ibang Memorandum Circulars at Orders kaugnay sa pagtukoy sa mga kapansanan na mayroon ang isang indibidwual upang maituring na isang PWD. Ibinahagi rin ang mga panuntunan sa pagbibigay ng mga Identification Cards (IDS) maging ang pag-upload sa system.

Nagkaroon rin ng open forum at idinulog naman ng mga MSWDOs at PDAO ang kanilang hinaing katulad pag-isyu ng ID sa mga senior citizen at PWDs na anila’y dahilan rin ng pag-doble ng ilang benepisyo na natatanggap. Nilinaw naman ng NCDA official na mabibigyan pa rin ang senior citizen ng PWD ID o kahit solo parent ID o iba pang mga ID. Aniya ang benepisyo lamang katulad ng financial assistance o kaparehong tulong ang hindi dapat nauulit.

Samantala, ipinagmalaki naman ni PSWDO Donato ang tulong na ibinibigay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pamumuno ni Governor Mamba sa mga PWDs sa Cagayan katulad ng pagbibigay ng P6,000 na tulong pinansiyal.