Nagsagawa ng Disaster Risk Reduction and Management o DRRM Summit ang Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa Villa Blanca Hotel, Tuguegarao city, ngayong Miyerkules, Setyembre 06, 2023.

Pinangunahan ang nasabing summit nina Rueli Rapsing, OIC PDRRMO at ni Governor Manuel Mamba kasama ang mga inimbitahang eksperto na nagbahagi ng kanilang kaalaman sa iba’t ibang aspeto sa usapin ng kalamidad at iba pang sakuna.

Sa kanyang paunang mensahe, ibinahagi ng Gobernador ang mga punto na dapat pagtuunan ng pansin katulad ng dredging, maling nakaugalin sa pagsasaka, conversion ng forest to upland o cornland at pagpapatupad ng batas para sa kalikasan.

Nagpasalamat rin siya dahil dumalo ang mga inimbitahan mula sa mga kalapit na lalawigan katulad ng Quirino, Isabela, Kalinga, at Apayao. Aniya, hindi lamang kasi ang Cagayan ang apektado sa usaping ito kaya nararapat na lahat ay may kontribusyon.

“Let’s do this all together. Let’s listen and share these to our decision-makers and planners. We are the savers of the future. I believed this is for our children, isu lang atuy iti ipatawid tayo kanyada,” sambit ng Gobernador.

Sinangayunan naman ni Office of Civil Defense (OCD) Region 02 Director Rafael DG Leon ang sinabi ni Gob Mamba sa pagsasagawa ng dredging sa Cagayan River. Aniya, nakita sa mga nagdaang mga bagyo sa nakalipas na taon at hanggang sa kasalukuyan ang naging epekto sa inisyal na ginawang dredging sa ilog Cagayan.

Iprinisinta rin ng director ang mga nagawa na ng kanilang tanggapan kaugnay sa RA 10121 o DRRM Act katulad ng four (4) thematic areas na disaster preparedness, disaster mitigation, disaster prevention at disaster response.

Bukod kay RD Leon, ilang eksperto pa katulad ni Jefrey Perez, Geologist ng Department of Science and Technology-Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS) ang nagbahagi kaugnay naman sa “Cagayan Big One”; Engr. Socrates Paat Jr, Weather Service Chief, Northern Luzon-Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) para naman sa “Stronger Hydrometeorological Hazards due to Climate Change”; Dir. Eleanor M. Uboan, ng DHSUD sa “Disaster Rehabilitation and Recovery at Dir. Maria Loida M. Urmatam, Provincial Director ng DILG Cagayan sa DRMM Preparedness.

Matagumpay namang natapos ang aktibidad sa pamamagitan ng isang open forum kung saan idinulog ng ilang local DRRM ang kanilang suliranin katulad sa bayan ng Sta. Teresita, Cagayan na nagkaroon ng pagbaha dahil umano sa mga baradong imburnal at iminungkahi nilang mainam na gumamit nalang sana ng box culvert.

Matapos ang DRRM Summit nakatakda namang isagawa sa bawat munisipyo ang flood summit.