Isinailalim sa dalawang araw na pagsasanay ang mga rescuer sa Cagayan sa paggamit ng “GeoRiskPH Platforms” o Geospatial Information Management and Analysis Project for Hazards and Risk Assessment in the Philippines ng Department of Science and Technology-Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS).

Sa nakuhang impormasyon mula sa tanggapan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na isa sa mga kalahok, 50 rescuers ang kanilang nakasama sa naturang pagsasanay na mula sa Task Force Lingkod Cagayan-Quick Response Team (TFLC-QRT) at iba’tibang Municipal DRRM Office sa probinsya.

Ayon sa naturang tanggapan, malaking tulong ang pagsasanay upang maunawaan ang paggamit ng GeomapperPh para sa pagbuo ng geodatabase at iba pang mga platform ng Georiskph na makatutulong sa paggawa ng plano lalo na sa pangongolekta ng datos para maiwasan ang malubhang epekto ng mga kalamidad.

Ang GeoRiskPH Platforms ay isang multi-agency na pinangangasiwaan ng PHIVOLCS na may layuning magkaroon ng iisang pagkukuhanan ng impormasyon sa mga “natural hazards at risk assessment” sa bansa.

Nabatid na sinimulan ang naturang pagsasanay noong Abril-17 at nagtapos kahapon, Abril 18, 2024 na ginanap sa lungsod ng Tuguegarao.