Nakipagpulong ang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na si Maria Antonia Yulo-Loyzaga kay Governor Manuel Mamba sa tanggapan nito sa Capitol Main Building, Tuguegarao City, ngayong Miyerkules, Pebrero 14, 2023.

Kasama rin sa pagpupulong si Undersecretary Atty. Juan Miguel Cuna; Provincial Administrator Atty. Maria Rosario Mamba- Villaflor; Tuguegarao City Mayor Maila Ting-Que; Regional Director Gwendolyn Bambalan; Assistant Regional Director Atty. Ismael Manaligod, at iba pang opisyal ng Kagawaran.

Naging sentro ng pagpupulong ang mga isyu sa kalikasan sa lalawigan katulad ng pagbaha, paggamit ng herbicide sa mga upland corn farm, pagtatayo ng mga gusali na walang konsultasyon sa DENR, solid waste management, at water source.

Ibinahagi naman ni Governor Mamba ang dredging project sa Cagayan River bilang solusyon sa malawakang pagbaha na nararanasan sa ilang bayan sa lalawigan sa panahon ng tag-ulan at pagpasok ng mga malalakas na bagyo. Isinangunini rin sa kalihim ang nangyayaring conversion ng forest land sa agricultural land kung saan ginagawang cornland ang mga kabundukan at ganoon na rin ang paggamit ng herbicide na dahilan ng pagguho ng topland.

Ibinahagi rin Mayor Ting-Que ang kanyang hinaing sa mga proyekto sa lungsod partikular na ang mga istruktura na itinatayo na walang konsultasyon mula sa Pamahalaang Panlungsod at sa Kagawaran maging sa Regional, Provincial at City Development Council. Nababahala aniya kasi ang alkalde sa kanyang obserbasyon sa isang dike project na hinaharangan na ang natural na daluyan ng tubig.

Bilang tugon, sinabi naman ng Kalihim na mayroon ngayong direktiba ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na resilient infrastracture program na national project at ecosystem based na maari ring gawin dito sa lalawigan.

Minandato rin nito ang Director ng DENR sa rehiyon na makipag-ugnayan sa Department of Agriculture upang tugunan ang isyu sa land conversion.

Kanya ring tinanong kung mayroong komprehensibong plano ang siyudad at probinsiya kung saan positibong sinagot naman ito ni Governor Mamba at Mayor Ting-Que na mayroong plano para sa mga proyekto at programa ngunit problema lamang ang ugnayan sa bawat kinakaukulang tanggapan.

Nagtapos ang pagpupulong sa mga tagubilin ng Kalihim na tugunan ang mga isyung ito ng lungsod at lalawigan.

###