Nasungkit ng dalawang Senior High School Students ng Cagayan ang una at ika-apat na pwesto sa katatapos lamang na Guangdong-Hong Kong-Macao Greater Bay Area Mathematical Olympiad na ginanap noong ika-15 hanggang ika-18 ng Marso sa Macau SAR, China.

Mula sa daan-daang estudyanteng kalahok na galing pa sa iba’t ibang bansa sa mundo, nagwagi si Ronnel Ledesma tubong Solana, Cagayan ng Gold Medal sa ilalim ng Senior Secondary Group, habang fourth place at with merit award naman ang tubong Tuguegarao City na si Earl Khenedy Bosi.

Ang Big Bay Bei International Mathematical Olympiad ay isang taunang patimpalak na inoorganisa ng Olympiad Champion Education Center ng Hong Kong.

Matapos magwagi sa competition abroad, aasahang sasali rin si Ledesma sa Thailand International Mathematical Olympiad na gaganapin naman sa Bangkok, Thailand sa darating na Abril 26 hanggang Abril 29 ngayong taon.

Si Ledesma at Bosi ay kasalukuyang Grade-12 ABM students mula sa University of Saint Louis Tuguegarao.