Isa si Angel-Ann Badajos Singh, 20-anyos, tubong Caritan Norte, Tuguegarao City sa mga atletang Pilipinong nakasungkit ng medalya sa nagpapatuloy na Southeast Asian (SEA) Games 2023 sa Cambodia.

Naiuwi ni Singh ang bronze medal sa Women’s Tanding Class (60kg-65kg) Pencak Silat nitong Miyerkules.

Ayon kay Singh, ang SEA Games 2023 ang kanyang ikatlong international competition na sinalihan simula nang siya ay mapabilang sa Philippine Team.

Nagsimula ang kanyang karera sa isport na Pencak Silat nang madiskubre siya ng Head Coach ng Philsilat sa Philippine Team taong 2021 hanggang sa maipadala na siya bilang pambato ng bansa sa mga international competition.

“Na-discover po ako ng Head Coach ng Philsilat sa Philippine Team kasi madalas po akong sumali ng competition noong highschool (CNHS) like Batang Pinoy, Sultans Cup, at Martial Arts Festival.
Palagi po akong nakakakuha ng medal at nitong 2021, nag-message sa akin yung Head Coach na gusto akong kunin maging part ng Philippine Team at mag-training sa Manila. So, 2021 pumunta na akong Manila at doon na nag-training at nag-aral din po hanggang sa sumasabak na ako sa international competitions,” saad ni Singh.

Samantala, si Singh ay nasa ikatlong taon na ng pag-aaral sa kursong BS Criminology sa Philippine College of Criminology sa Santa Cruz, Manila.

Payo naman ni Singh sa kapwa niya nagnanais na marating ang minimithing pangarap sa larangan ng palakasan na patuloy lamang na mag-ensayo at huwag susuko.

“Huwag po sana silang sumuko at huwag matakot na matalo kasi ‘yun ang magiging daan para maging successful. Train hard, trust God and tiwala lang sa sarili nila na makakaya nila,” mensahe ni Singh.