Pasasalamat ang nais iparating ng Grade 10 student mula sa Lyceum of Aparri na si Xean Marn Angelo Rabanal sa lahat ng tumulong at nagsilbing inspirasyon niya para masungkit ang kanyang kauna-unahang gintong medalya sa sinalihang kompetisyon abroad.
Ito ay matapos maiuwi ni Rabanal ang Gold Medal sa katatapos lamang na Global English Language Olympiad of Southeast Asia (GELOSEA) International Competition na ginanap sa bansang Vietnam.
Ayon sa kuwento ng ina ni Rabanal na si Angie Saquing-Rabanal, hindi naging biro ang pinagdaanan ng kanilang pamilya para matustusan ang gagastusin ng bata para makasali sa kanyang unang international competition. Sa tulong ng mga kaibigan, pamilya, at kakilala, nagkaroon ng pagkakataon si Xean para bumiyahe patungong Vietnam.
Maliban kay Xean, dalawang mag-aaral din sa Lyceum of Aparri ang kasama niyang lumaban. Naging kinatawan ng bansa para sa GELOSEA secondary division si Rabanal at Lance Derald Auingan na nakapag-uwi ng silver medal; habang bronze medal naman ang nasungkit ng elmentary division representative na si Athena Marisse Samson.
Samantala, sasalang muli sa international competition sina Auingan, Samson, at Rabanal sa Hongkong International Science Olympiad kasama ang kanyang nakababatang kapatid na si Junelle Rabanal matapos parehong makuha ang bronze medal sa final round ng kompetisyon.
Maliban dito, lalaban din ang tatlong mag-aaral sa Philippine International Math Olympiad sa pamamagitan ng online participation.