Nag-uwi ng karangalan ang dalawang Cagayano athlete matapos makasungkit ng gold at silver medal sa katatapos na 8th Asian Taekwondo Poomsae Championship sa Da Nang, Vietnam nitong Mayo 14-15, 2024.
Sa kanilang pagbisita sa tanggapan ni Gobernador Manuel Mamba sa Kapitolyo ng Cagayan, bitbit nina Zyca Angelica Santiago tubong PeƱablanca at Ernesto Guzman Jr. ng Cataggaman Viejo, Tuguegarao city ang kanilang mga medalya na napanalunan sa kompetisyon.
Si Santiago ay nakakuha ng gold medal sa freestyle poomsae mixed at 6th place sa freestyle poomsae individual sa kategoryang team over 17, habang si Guzman Jr. naman ay nag-uwi ng silver medal sa individual poomsae sa kategoryang under 50. Si Guzman Jr. ay dati na ring nag-uwi ng gold medal sa Geoyang World Championship noong 2022.
Binati naman ni Gob. Mamba ang mga atleta at tiniyak ang insentibong ipagkakaloob ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa kanila.
Ang dalawang atleta ay mula sa Philippine taekwondo-poomsae team na sasabak rin bilang representante ng Pilipinas sa darating na World Taekwondo Poomsae Championship sa Hongkong sa buwan ng Nobyembre.