Pinulong ng Cagayan Provincial Tourism Office (PTO) ang mga City/Municipal Tourism Officer upang ibahagi ang iba’t ibang plano at nakalinyang aktibidad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa larangan ng turismo sa taong ito. Naganap ang pagpupulong sa bayan ng Sta. Ana noong Marso-2.

Ibinahagi ng Tourism Office sa mga Tourism Officer ng iba’t ibang bayan ang mga nakalinyang programa ng PGC, maging ang mga capability-building seminars. Layon ng Tourism Office na ihanay ng iba’t ibang bayan ang kanilang programa sa turismo sa mga adhikain ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan upang mas mapaigting pa ang turismo sa lalawigan, lalo ngayong lumuwag na ang protocols sa ilalim ng Alert Level 1 sa Cagayan.

Ilan sa mga proyekto ng Tourism Office ay ang paglulunsad ng website nito at coffeetable book. Ang ilan naman sa mga nakalaang aktibidad ng tanggapan ng panlalawigang turismo ay ang muling pagbubukas ng Callao Eco-niche and Conservation Park at ang mga inaabangang off-the-grid activities dito.

May nakalinya ding mga pagsasanay ang Department of Tourism para sa Cagayan. Ayon kay Sally Vitug, Supervising Tourism Operations Officer ng PTO, sa 30 na seminars sa buong Rehiyon Dos, 14 ang inilaan ng DOT para sa lalawigan ng Cagayan at ang 16 ay paghahatian na ng iba pang mga probinsiya sa lambak.

Dinaluhan naman ni DOT Regional Director Fanibeth Domingo ang nasabing aktibidad sa Sta. Ana.

Napag-usapan din sa pagpupulong ang COVID-proofing ng mga provincial tourism sites kung saan layon nito na patuloy na maisagawa nang maayos at mapagigting pa ang mga COVID-19 protocol, lalo sa inaasahang pagdagsa ng mga turista sa pagbubukas muli ng turismo sa lalawigan.

Isa naman sa pinakamahalagang ibinahagi ng Tourism Office sa mga City at Municipal Tourism Officer ay ang Tourism Development Plan ng Cagayan kung saan nakapaloob ang mga plano ng Pamahalaang Panlalawigan sa turismo.

Ayon kay Vitug, malaki ang papel ng mga CTO/MTO sa pagbabalangkas ng plano sapagkat sa hanay ng mga ito manggagaling ang ilang mga impormasyon at datos upang mas maging konkreto, makabuluhan, at angkop ang plano at implementasyon ng planong ito.

Samantala, bukod sa pagpupulong, sumali din ang mga CTO/MTO sa isang clean-up drive sa Pozorobo at Nangaramuan beaches ng Sta. Ana. Ito ay bahagi pa din ng “I Love Cagayan River Movement” program ng PGC.

Nagkaroon din ng pagkakataon na magsagawa ng magkahiwalay na pagpupulong ang mga officer ng Cagayan Tourism Officers Association.

Kamakailan ay nagsagawa naman ng aktibidad ang PTO sa Callao Eco-niche and Conservation Park kung saan nag-disperse sila ng 10,000 tilapia fingerlings sa Cagayan River. Nagkaroon din ng pagpupulong sa komunidad doon kasama ang iba’t ibang tourism stakeholders- boatmen, tour guides, vendors at Agkaykaysa officers at members.