Patuloy ang pagsasagawa ng iba’t ibang aktibidad at pagsasanay sa Cagayan Farm School and Agri-tourism Center sa Anquiray, Amulung na pinangangasiwaan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.

Ayon kay Provincial Agriculturist Pearlita P. Mabasa, isa sa kanilang tinututukan ngayon ang pag-aani ng sweet potato o kamote at iba pang gulay sa farm school na ibinenta sa Kadiwa ng Pangulo Program sa Kapitolyo ng Cagayan tuwing Martes.

Nagpapatuloy rin ang isinasagawang seedlings production ng iba’t ibang gulay para ipamahagi sa iba’t ibang sektor sa lalawigan. Isa na rito ang mga guro ng Cagayan National High School na nagtungo sa farm school nitong mga nakalipas na araw.

Ang mga kabataang magsasaka na miyembro naman ng 4-H Club sa ilang bayan sa probinsya ay nasa farm school ngayon para magsanay sa paggawa ng organic fertilizer, mushroom production, at aquaponics and hydroponics production.

Maliban dito, sinimulan na rin ani Mabasa ang pag-aaral at pagsasanay ng 25 rice farmers ng Bagunot at Taguing, Baggao, Cagayan para sa kanilang 16 linggo na Farmers Field School (FFS) ng Grains Production NC II kung saan katuwang dito ng OPA ang Technical Education and Skills Development Authority o TESDA-Cagayan/Region 2.

Samantala, ang Cagayan Farm School ay isinaayos at pinaganda ang mga pasilidad nito ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa liderato ni Governor Manuel N. Mamba upang magamit at mapakinabangan ng mga Cagayano.