Nagsimula na kahapon, Abril 8, 2024 ang in-house training ng 70 atletang Cagayano sa Cagayan Farm School and Agri-tourism Center sa Anquiray, Amulung, Cagayan bilang paghahanda sa gaganaping Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA) meet 2024.

Ayon kay Engr. Pearlita P. Mabasa, Provincial Agriculturist ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan, magtatagal hanggang Abril-21 ang in-house training ng mga atleta kung saan kanilang gagamitin ang mga ipinatayong pasilidad sa Farm School.

Ilan sa mga pasilidad na ito ang gymnasium para sa kanilang pag-eensayo ng wrestling at taekwando. Magsisilbing sleeping quarters naman ng mga atleta ang farmers dormitory na kayang pagsilbihan ang 128 katao.

Makakasama naman ng mga atleta ang kanilang camp staff na si Robert Taquiqui ng Schools Division Office (SDO) Cagayan maging ang medical team ng Provincial Government of Cagayan (PGC).

Matatandaang pinondohan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa liderato ni Gov. Mamba ang pagsasaayos at pagmentena sa mga pasilidad upang magamit at mapakinabangan ng mga Cagayano.

Isa sa mga tinutukan ni Gov. Mamba ang Cagayan Farm School and Agri-tourism Center kung saan iba’t ibang imprastraktura na ang naipatayo na magagamit ng mga magsasaka gayon din ng mga atleta.

Samantala, karamihan sa mga atletang Cagayano na sasabak sa CAVRAA 2024 ay puspusan ngayon ang pag-eensayo sa Cagayan Sports Complex, Tuguegarao City.

Ang CAVRAA 2024 ay muling gaganapin sa Ilagan City, Isabela sa darating na Abril 26-30, 2024.