Umabot na sa 90 na mga Multi-Purpose Gymnasium ang naipatayo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa liderato ni Gov. Manuel N. Mamba sa iba’t ibang paaralan sa probinsya.
Ayon kay Clarita Lunas, Consultant on Education ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan, marami na aniyang mga gymnasium ang napasinayaan at pormal ng na-iturn over sa pamunuan ng mga paaralan. Ilan naman umano sa mga ito ay nakatakdang pasinayaan pa lamang at ang iba ay kasalukuyan nang isinasaayos at itinatayo.
Ang proyektong pagtatayo ng mga Multi-Purpose Gymnasium sa mga paaralan sa lalawigan ay kabilang Cagayan Development Agenda (CAGANDA) 2025 ni Gov. Mamba kung saan ito ay tinawag na Development Agenda no. 2: Tuwid na Daan Physical Infrastructure in Cagayan.
Layunin ng naturang programa na mabigyan ng maayos na pasilidad ang lahat ng mga eskwelahan sa probinsya na malaking tulong sa pagdaraos ng iba’t ibang mga aktibidad ng mga mag-aaral.
Samantala, ikinatuwa rin ni Lunas na sa paglipas ng taon ay itinaas ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang pondong ginugugol sa pagtatayo ng mga Multi-Purpose Gymnasium dahil noong taong 2016 ay nagsimula lamang ito sa P2.8M habang ngayong 2024 ay aabot na rin ito ng halos P4M na pondo para sa bawat pasilidad.
Maalalang kamakailan lamang ay pinangunahan ng Gobernador ang pagpapasinaya sa tatlong malalaking Multi-Purpose Gymnasium sa Andarayan, Solana maging sa Minanga at Villarey, Piat, Cagayan. Nakatakda ring pasinayaan at i-turn over ang mga itinayong gymnasium sa mga bayan ng Sta. Ana, Gonzaga, at Lal-lo, Cagayan ngayong linggo.