Matagumpay na isinagawa ng Ballesteros District Hospital ang launching at benchmarking sa bagong server machine na gagamitin para sa iHOMIS+ o tinatawag na Integrated Hospital Operations and Management Information System ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes, Marso 15, 2024.

Ang iHOMIS+ ay isang computer-based system na binuo ng Kagawaran ng Kalusugan na may layuning padaliin ang mga serbisyong medikal at maiwasan ang mahabang oras na pagproseso.

Kaugnay rito, mas mapapadali na ang mga transaction sa mga District Hospital gaya ng pag-transmit sa mga health insurance claims tulad sa PhilHealth dahil sa iHOMIS. Ito na rin ang pangunahing gagamitin sa mga malalaking hospital sa lungsod.

Ayon kay Anthony Monzon, Administrative Officer IV, ang Ballesteros District Hospital pa lamang na pinamumunuan ni Dr. Wilson Barcena ang mayroong ganitong server machine at information system sa rehiyon dos, kaya dito na rin isinagawa ang hands-on orientation at demonstration sa mga I.T. representative ng iba’t ibang district hospitals sa tulong ng mga I.T staff ng DOH Region 02.

Masinsinang pagsasanay umano ang kailangan dito dahil magiging paperless na ang lahat ng transaction sa tulong ng iHOMIS at ng new server machine.

Samantala, dumating din si Cagayan Governor Manuel N. Mamba upang saksihan ang naturang aktibididad kasama si Dr. Rebecca Battung, Acting Provincial Officer ng PHO Cagayan, mga district chief of Hospital, Philhealth Clerks, at iba pa.