Binisita ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang Aparri Provincial Hospital at Matilde A. Olivas District Hospital nitong Lunes, Mayo 6, 2024.

Ito ay bilang bahagi ng hakbang ng Kagawaran ng Kalusugan upang suriin at imonitor ang kahandaan ng mga pagamutan para sa gagawing pag-upgrade sa mga pasilidad nito para maging ganap na level 2 accredited hospital ng DOH.

Nabatid na isa sa mga nabaggit na pagamutan ang maaaring mapili at mabigyan ng accreditation mula sa DOH upang mapahintulutan na maging level 2 sa kanilang operasyon.

Ayon kay Dr. Diana Rhea Garde, Chief of Hospital ng Aparri Provincial Hospital, kasama sa mga binisita at ininspeksyon ni Usec. Vergeire ay ang kasalukuyang itinatayong emergency room sa kanilang pinangangasiwaang ospital.

Sinabi naman ni Dr. Charito Cipriano, Chief of Hospital ng Matilde A. Olivas District Hospital, na binisita rin ng opisyal ang kanilang pagamutan upang alamin ang kasalukuyang sitwasyon at pamamalakad nito sa pagbibigay ng serbisyong medikal sa publiko.

Aniya, maliban sa planong pag-upgrade patungong level 2 hospital ay upang tiningnan din umano ang mga maaari pang maitulong ng kagawaran sa usaping medikal upang mapabilis at maisaayos pa ang pagseserbisyo nito.

Kaugnay rito, kung sakaling maaprubahan ang pagiging level 2 ay maaaring madagdagan ang mga pasilidad gaya ng pagkakaroon ng Respiratory Unit at Intensive Care Unit (ICU).

Samantala, ang ganitong layunin aniya ng DOH ay isang hakbang upang itaas ang klasipikasyon ng mga ospital na kasalukuyang nasa mga level 1 pa lamang. Sa pamamagitan din nito ay mas makapagbibigay ng daan upang mas mapalawak pa mga serbisyong maibibigay nito para sa publiko.

Kasama ni Usec Vergeire sa naturang pagbisita si Regional Director Razel Nikka Hao ng DOH R02, Provincial Health Officer Dr. Rebecca Battung at ilang mga duktor mula sa DOH Region 2.