Iprinisinta ang agriculture, fishery, at tourism profile ng Cagagan kay Ambassador Wallace Chow at kanyang kasamahan sa kanilang pag-iikot sa Cagayan Farm School and Agri-Tourism Center sa Anquiray, Amulung ngayong Miyerkules, Pebrero 21, 2024.

Ibinahagi ni Engr. Pearlita Mabasa, Provincial Agriculturist, ang lawak ng ektaryang lupain at bilang ng produksyon mula sa mga agricultural lands na tinatamnan ng corn, palay at iba pang mga produkto katulad ng mani, saging, cacao, at iba pa. Ganoon na rin ang produksyon ng isda mula naman sa mga fishpond at ang area ng brackish water sa lalawigan. Sinabi rin ni Mabasa na ang Cagayan Farm School ay kasalukuyang naghihintay ng accrediting organic agriculture national level at madeklarang agriculture institute. Kanya ring sinambit na kasalukuyang tinatapos ang satellite Farm School ng Pamahalaang Panlalawigan sa bayan naman ng Sta. Ana para sa Aqua-culture.

Naging interesado naman si Mr. Yuan-Ching Peng, agriculture expert, sa variety ng tilapia sa lalawigan at ang paggamit ng organic inputs para sa pagsasaka at ganoon na rin ang paggamit ng inbred rice.

Dagdag naman ni Governor Manuel Mamba na naghahanda na ang lalawigan sa produksyon ng agricultural products, problema na lamang aniya ang merkado. Ito aniya ang dahilan kung bakit sa agarang panahon ay nais na niyang mabuksan ang Port of Aparri upang magkaroon ng daan para mailabas ang mga produkto.

Kaugnay rito, isa umanong malaking oportunidad na matuto rin sa ginawang hakbang ng Taiwan na maiangat ang pamumuhay ng kanilang mamamayan. Hindi rin naiwasang ikumpara ng Gobernador ang antas ng pamumuhay ng bansa at ng Taiwan dahil sa mayaman umano ang Taiwan samantalang mahirap pa rin ang Pilipinas.

“Taiwan is glorious and rich but we are poor. We have to accept the fact that we have failures and I hope this time we learn. I’m trying to free out to our mistakes. One problem is that we (farmers) have no real representation in Congress,” paglalahad ni Gob. Mamba.

Samantala, ibinihagi rin ni Jennifer Junio-Baquiran, OIC Provincial Tourism Officer ang malaking potensyal ng lalawigan sa larangan ng turismo. Aniya, bukod sa magagandang pook pasyalan sa iba’t ibang bayan katulad sa isla ng Calayan ay marami pang mga maipapakita at maipagmamalaki ang Cagayan. Sinabi rin ni Baquiran na mayroon na ring mga Taiwanese ang namasyal sa lalawigan upang tunghayan ang mga ipinagmamalaking yaman ng probinsiya.

Inirekomenda naman ni Ambassador Wallace Chow at Mr. Peng na gumamit ng mga young youtubers o vloggers upang mas maipakilala pa ang turismo ng lalawigan. Ganoon na rin ang pagkakaroon ng software o application na maaaring bisitahin ng isang turista at makita ang lahat ng pwedeng pasyalan at mai-offer ng lalawigan. Handa rin umanong ikonekta ng Ambassador ang mga sikat na youtube sa Taiwan sa PGC upang ipakilala ang pook pasyalan sa lalawigan.

Hihintayin rin aniya ni Ambassador Chow ang pagtatayo at pagkakaroon ng International Airport ng lalawigan ng Cagayan.