Pinangunahan ni Provincial Agriculturist Pearlita P. Mabasa bilang kinatawan ni Governor Manuel N. Mamba ang pagsisimula ng 71st 4-H Club Regional Youth Summit 2024 sa Cagayan Farm School & Agri-tourism Center sa Anquiray, Amulung, Cagayan ngayong Miyerkules, Abril 24, 2024.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na gaganapin sa Cagayan Farm School and Agri-tourism Center ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang Regional Youth Summit ng mga miyembro ng 4-H Club.

Ang 4-H Club ay acronym para sa ‘Head, Heart, Hands, and Health’ na isang Rural Based Organization (RBO) para sa mga kabataang edad 10-30 na may layuning ipamulat ang importansiya ng pagsasaka lalo na ang mga Agri-based Income Generating Projects (IGPs) para makatulong sa kanila at sa kanilang mga pamilya.

Ang 71st 4-H Club Regional Youth Summit 2024 ay may temang, “Relive the 4-H in Youth: Re-energizing and Empowering 4-H Leaders in Valuable Agri-fishery Engagements.”

Sinimulan ang Regional Youth Summit sa isang torch parade at sinundan ng flag ritual ng Agricultural Training Institute, 4-H Regional Banners, Philippine Flag, Provincial Banners ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, at Quirino.

Sa naging mensahe ni Engr. Mabasa, kanyang ipinaliwang ang kahalagahan ng naturang aktibidad sa mga kabataan. Aniya, ito ay paraan upang magbuklod ang mga 4-H youth member at ang kanilang mga coordinator sa Cagayan at sa buong Rehiyon Dos upang mapagtibay pa lalo ang mandato ng 4-H Club.

Ayon pa kay Engr. Mabasa, mahalagang matuto, mahasa, at mapahusay ang kakayahan ng mga kabataan sa pamamagitan ng mga nakahanay na patimpalak sa aktibidad.

Ipinagmalaki rin ni Engr. Mabasa si Board Member Jirowell Alameda, Provincial SK Federation President-Cagayan dahil sa ipinasang resolusyon sa Sangguniang Panlalawigan para gawing mandatory ang 4-H Club sa mga barangay at bayan sa Cagayan.

“Napakaswerte ninyo dahil may isang tumatayo para sa mga kabataan at nagbigay ng tulong mula sa Provincial Government of Cagayan sa pamamagitan ni Gov. Mamba. Maging armas sana lahat ng kabataan na maging tapat sa inyong mga ginagawa dahil all out support ang ating gobernador,” ani Mabasa.

Sinabi naman ni OIC-Center Director Claris Alaska ng Agricultural Training Institute (ATI) Region 02 na ang Regional Youth Summit ay isang paraan para kilalanin at iudyok ang mga kabataan ng rehiyon na mapabilang sa pagtataguyod ng seguridad ng pagsasaka at mapataas ang produksyon sa pamamagitan ng digital agriculture sa Lambak Cagayan.

Kaugnay rito, lumahok sa summit ang mga 4-H Regional Federation Officer, Provincial Federation President, coordinator, at ang 200 miyembro ng 4-H Club na magtatagisan sa iba’t ibang patimpalak upang makita ang husay at talino ng mga kabataan sa larangan ng agrikultura gamit ang kanilang “4H emblem” na head, heart, hands, at health.

Bahagi ng 3-day activity ang feeding at gift giving sa mga mag-aaral ng Anquiray Elementary School; training /lecture hinggil sa value of leadership and volunteerism, mental health awareness, at team building. Isasagawa rin ang simultaneous activities/contest para sa magiging National Excellent Achievers Awards (NEAA), Most Outstanding 4H Club Coordinator, 4H Agri-Innovation Pitching, 4H Transformation, 4H Coconut-based Cooking Contest, 4H Quiz bee, Roles & Responsibilities of 4H Officers & Members, Effectiveness at Work, Mr. & Ms. 4H 2024, 4H Agri-Tale Contest, at 4H SongCon: Duet. Malalaman ang mga mananalo sa huling araw ng Regional Youth Summit 2024 sa darating na Abril-26.

Nakiisa rin si Regional Director Rose Mary G. Aquino ng Department of Agriculture Regional Field Office 2 maging ang mga Provincial Agriculturist Office, iba’t ibang Municipal Agriculture Office, at iba pang bisita sa pagbubukas ng 4-H Club Regional Youth Summit 2024.