Sumasailalim ngayon sa apat na araw na pagsasanay ang 51 na Child Development Workers (DCW)/Children Focal Persons mula sa 28 munisipalidad ng probinsiya sa Taj Hotel, Tuguegarao City.

Nabatid kay Elvira M. Layus, Focal Person-Child Development Worker ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), layunin ng pagsasanay na bigyan ng karampatang kaalaman, palawakin, at pahusayin pa lalo ang kasanayan ng mga CDW upang maging epektibong parent o caregiver sa kanilang mga nasasakupan.

Sa naging mensahe ni PSWD Officer Helen Donato, kanyang binigyang-pansin ang malaking ambag at malawak na tungkulin ng mga CDW lalo na ang dedikasyong ginugugol ng mga ito sa mga bata; kahalagahan ng tamang pagpapalaki sa mga bata; pang-unawa sa lahat ng iba’t ibang pag-uugali ng mga bata na kanilang tinuturuan.

Dagdag pa ni Layus na ang parenting program ay mahalagang maipabatid upang magkaroon ng dekalidad at holistic na development ng bawat batang Pilipino.

Kabilang sa resource persons sina Grace Pascua, Social Welfare Officer III/Social Pension Section Head at Carol Jeanne Tamayao, Social Welfare Officer II/Family and Yakap Bayan Welfare-Focal Person. Ilan sa mga topikong tinalakay ay hinggil sa mga Laws on Parenting, Parenting Style, at Strengthening Parent-Child Relationship, Child Development, at Understanding the Dynamics of the Filipino Family.

Nagsimula ang pagsasanay ngayong araw ng Martes, ika-14 hanggang sa ika-17 ng Nobyembre.