Kasalukuyang sumasailalim sa dalawang araw na basic life support training ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang 43 rescuers ng Task Force Lingkod Cagayan-Quick Response Team (TFLC-QRT) at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).

Ang pagsasanay ay pinangungunahan ng Provincial Health Office (PHO) at Department of Health (DOH) Region II na pinapamunuan ni Christine Joan Balangue na siyang DRRMH Manager ng naturang ahensiya.

Kabilang sa itinuro sa mga rescuer ang infant at adult Cardiopulmonary resuscitation (CPR) kung saan may apat na station na kailangang pagdaanan ang bawat kalahok at tatapusin ang bawat station ng dalawang minuto.

Pinatitigil naman ng mga trainer ang mga kalahok na hindi handa sa paggawa sa kanilang tungkulin at bibigyan ng oras para muling balikan ang mga naituro sa kanilang lecture.

Ayon sa isang kalahok na si Marzziana Cecile Domingo ng TFLC-QRT, habang ginagawa ang pagsasanay ay ramdam niya ang kanyang kaba dahil parang isinasagawa niya umano ito sa isang indibidwal.

Ang pagsasanay ay may layuning mabigyan ng karagdagang kaalaman ang mga rescuer sa pagsagip sa buhay hindi lamang sa panahon ng kalamidad at sakuna kun’di sa lahat ng oras na may mangailangan ng kanilang tulong.

Nabatid sa PDRRMO na ito na ang 2nd batch ng naturang pagsasanay kung saan natapos ang unang batch noong araw ng Martes, Abril 30, 2024 habang matatapos naman ngayong Biyernes ang pangalawang batch.