Makabuluhan ang naging pagtatapos ng 3 araw na Pistang Pangkalusugan ng Provincial Health Office (PHO) kasabay ng pagdiriwang ng Aggao Nac Cagayan 2024.

Base sa datos, umabot sa mahigit isang libong Cagayano ang nabenispisyohan sa iba’t ibang serbisyo na inialok sa publiko.

Ayon kay Dr. Rebecca Battung, Provincial Health Officer ng PHO Cagayan, matagumpay ang naging pagtatapos ng tatlong araw na aktibidad kung saan marami sa mga Cagayano ang natulungan sa mga serbisyong medikal na ibinahagi sa naturang aktibidad.

Pinasalamatan din nito sina Gov. Mamba at Atty. Mabel Villarica-Mamba dahil sa patuloy na pagbuhos ng kanilang suporta sa PHO upang maibaba ang mga serbisyong nararapat para sa mga Cagayano.

Isang kagalakan aniya sa kanilang hanay na irepresenta ang PGC upang makatulong at makatugon sa pangangailangan ng bawat isa.

“Ako’y nagpapasalamat ng lubos sa naging success ng ating activity and of course to Gov. Manuel Mamba for entrusting us and atty. Mabel for always supporting us with all our activities,” pahayag ni Dr. Battung.

Lubos din ang pasasalamat ni Dr. Battung sa lahat ng sponsors na tumulong upang maisakatuparan ang naturang aktibidad.

“We also would like to thank our private partners who have joined us, the patients who have consulted our booths, our sponsors for the activities who are very generous of their time and their resources,” pagtatapos ni Dr. Battung.

Sa panghuling araw ng Pistang Pangkalusugan ngayong Huwebes, Hunyo 20, 2024, matagumpay na naisagawa ang lecture para sa Neurodevelopmental Disabilities ng mga kabataang maituturing na may espesyal na pangangailangan o “children with special needs”.

Ang aktibidad ay pinangunahan ni Dr. Cherry Lou A. Molina-Antonio, Pediatric Neurologist, Officer in Charge Chief ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) kung saan itinuro sa mga dumalong magulang ang iba’t ibang kaalaman sa pangangalaga sa kanilang mga anak.

Dagdag pa rito, ang pagkakaroon ng Mental Health lecture na pinangunahan ni Dr. Leonor Juliana, Medical specialist 3 ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) kung saan ipinaliwanag dito ang kahalagahan ng maayos na estado ng pag-iisip ng isang tao at ang tamang paraan ng pagtangan sa iba’t ibang sitwasyon.

Binigyang-diin din sa aktibidad ang kahalagahan ng pagpapasuri sa mga experto at huwag mag “self diagnose” upang agad na matugunan ang mga hindi pangkaraniwang iniisip at nararamdaman ng isang indibiduwal.

Samantala, nagkaroon din ng lecture kaugnay sa Ballroom Dancing sa pangunguna ni Ferdinand Mercado ng College of Human Kinetics ng Cagayan State University Carig Campus. Itinuro dito ang ibat ibang mga health benefits kasama na ang mga tamang mga steps o hakbang sa pagsasayaw.

Matatandaan na sinimulan ang Pistang Pangkalusugan ng PHO nitong Hunyo 18, 2024 na personal na pinangunahan ni Gov. Mamba at ng Unang Ginang na si Atty. Mabel Villarica-Mamba.