Matagumpay ang isinagawang bloodletting activity ng Provincial Health Office ( PHO) Cagayan katuwang ang Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ngayong Martes, Marso 12, 2024.

Sa datos ng PHO Cagayan, kabuuang 93 successful blood donors ang naitala at nalagpasan nito ang target na 70.

Naitala ng PHO ang 110 individuals na nagpahayag ng pagnanais na makapag-donate ng dugo ngunit 17 sa mga ito ang deferred o na diskwalika.

Ayon kay Ma. Lourdes L. Bangan, Asst. Blood Services Coordinator ng PHO Cagayan, kabilang sa mga naging dahilan na hindi naging kwalipikadong donor ang mga ito ay dahil sa kanilang mababang hemoglobin count, naturukan ng anti-rabies vaccine, mataas ang blood pressure, nanghina ang katawan, at kasalukuyang sumasailalim sa kanilang antibiotics treatment.

Sinabi pa nito na karamihan sa mga donor ay mga kawani ng Provincial Government ng Cagayan, mula sa hanay ng Philippine National Police (PNP), Beauro of Fire Protection (BFP) at iba pang uniformed personnel, at mga walk in donor.

Gayon man, labis naman ang pasasalamat ng PHO Cagayan sa pangunguna ni Dr. Rebecca Battung, Acting Provincial Officer ng PHO Cagayan sa mga sumuporta sa naturang aktibidad.

Tiniyak nito na gagawin ng kanilang tanggapan ang lahat ng kanilang makakaya upang maipagpatuloy ang pagsasagawa ng regular bloodletting activity na malaking tulong upang maisalba at madugtungan ang buhay ng mga pasyenteng nangangailangan ng dugo.