“Gapu iti panagkaykaysa, balligi inpaay na!” o “dahil sa pagkakaisa, tagumpay ay natamasa.”

Ito ang tema at sentro ng selebrasyon ng 440th anibersaryo ng pagkakatatag ng civil government ng Cagayan ngayong taon na gaganapin simula Hunyo 1 hanggang Hulyo 2, 2023.

Kilala bilang Aggao Nac Cagayan, ang selebrasyon na ito para sa mga Cagayano ay ihahatid muli ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pangunguna ng ama ng probinsiya na si Governor Manuel N. Mamba.

Ayon kay Atty. Mabel Villarica-Mamba, ang Unang Ginang ng lalawigan at ang Chairperson ng Aggao Nac Cagayan 2023 Steering Committee, ang tema ngayong taon ay nakatuon pa din sa adhikain ni Gov. Mamba laban sa korapsiyon, at sa iba pang mga adbokasiya nito tulad ng anti-vote buying.

Ito din aniya, ay nagpapakita ng malakas na pananampalataya ng mga Cagayano, at pagiging matatag, at ang pagkakaisa ng lahat lalo sa mga panahon ng mga sakuna tulad ng bagyo.

“Our 28 towns and 1 city each have unique and distinct characteristics but share a common dream and aspiration of a more progressive, developed, and competitive Cagayan. We want to highlight where we have come from and where we are going, as well as all that is best of and in Cagayan. Also, the overwhelming support of Cagayanos for Governor Mamba’s advocacies prove that in unity lies our strength as a people.” pahayag ni Atty. Villarica-Mamba.

Mahigit isang buwan na selebrasyon ang aabangan ng mga Cagayano at iba’t ibang aktibidad ang inihanda para sa isa na namang makabuluhan at makulay na pagdaraos ng makasaysayang pagdiriwang ng anibersaryo ng lalawigan.

“We have always endeavored to make the current Aggao Nac Cagayan celebration the best one yet. As in past celebrations under the Mamba administration, we celebrate the excellence of the Cagayano and proudly display the color, culture and talent of our province. It is truly a celebration of the Cagayano as a people.”

Samantala, gaganapin naman ang kick-off ng Aggao Nac Cagayan sa unang araw ng Hunyo 2023 sa pamamagitan isang parada sa Cagayan Sports Complex na pangungunahan ni Gov. Mamba kasama ang Unang Ginang at ng buong Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.

Opisyal namang magsisimula ang mga aktibidad sa Hunyo-1 at una dito ang Basketball Tournament ng mga LGU na ihahatid ng Provincial Administrator’s Office, Task Force Lingkod Cagayan at Cagayan PDRRMO.

Bilang bahagi pa din ng “I Love Cagayan River Movement” program ni Gov. Mamba, magkakaroon muli ng tree-growing sa buong buwan ng selebrasyon, kada Miyerkules simula Hunyo 7, 2023. Kasabay naman ito ang river clean-up sa iba’t ibang bayan sa lalawigan.

Magiging sentro din ng Aggao Nac Cagayan ang “Paddarafunan” Trade Fair kung saan tampok ang iba’t ibang produkto ng Cagayano business owners, entrepreneurs, at exhibitors.

Makakasama din ang iba’t ibang bayan ng lalawigan na magpapakita ng kani-kanilang mga agricultural product, teknolohiya, tourism offerings, at iba pang mga lokal na produkto. Mayroon ding samu’t-saring entertainment at palabas na ibabahagi gabi-gabi sa trade fair.

Tampok naman sa selebrasyon ang ilan sa mga bagong aktibidad tulad ng drone show, song writing competition, Chinese arts and culture day, Cagayan Museum re-opening, Pistang Kalusugan, Pretty Preggy, Rural Improvement Club (RIC) Search, tattoo expo, animal expo, aquarium show, at agri-skills competition.

Naging institusyon na ang ilang mga aktibidad sa selebrasyon ng Aggao Nac Cagayan at muli itong itatanghal ngayong taon. Ilan dito ang Dangal ng Lahing Cagayano Search, ang prestihiyosong pagkilala sa mga natatanging Cagayano na may malaking kontribusyon sa iba’t ibang larangan.

Liban dito, ang Cagayan Art and Creative Writing Awards (CACWA), art workshops, sand sculpting competition, dog show, linubian festival, Cagayan Singing Idol, coastal clean-up, pilgrimage bike, exotic food festival, Rescuelympics, bloodletting, ZuMamba, fellowship night, laro ng lahi, at mga concert.

Sa mismong araw ng Cagayan, Hunyo-29, sentro naman ang “Pabbarayle” sa Cagayan Sports Complex na sasalihan ng iba’t ibang munisipalidad ng Cagayan. Ang mga ito ay magpapakitang-gilas sa pagpapakita sa kanilang kultura at tradisyon sa pamamagitan ng sayaw. Aabangan din sa “Pabbarayle” ang pagtatanghal ng mga “mutya” ng bawat bayan na iindak sa tampok na sayaw ng mga munisipalidad.

Magiging finale ng pagdiriwang ang awarding para sa mga mananalo ng short story writing at art competition ng CACWA.

Kabilang naman sa partners ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang Globe Telecommunications, Converge, SM City Tuguegarao, SM Center Tuguegarao Downtown, Robinson’s Place Tuguegarao, Vynz Landholdings, at Itawes Security Proactive Agency sa paghahatid ng mga aktibidad ngayong Aggao Nac Cagayan.

“The 440th Aggao Nac Cagayan is more of the same but different with a sprinkling of new and exciting events. It is a simple celebration but full of heart, grit and determination — truly a feast for the senses You have to experience it to know what we mean,” ang paanyaya naman ni Atty. Villarica-Mamba.