Naabot na ng Cagayan ang herd immunity nito sa 1st at 2nd dose ng vaccination kontra Covid-19. Ito ay ayon kay Dr. Carlos Cortina III, Provincial Health Officer ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.

Aniya, ang target population ng probinsya na mabakunahan ay 80% kung saan ang naabot ng Cagayan sa pagbabakuna ay nasa 84.90% sa first dose.

Isang munisipyo lamang umano ang wala pa sa herd immunity at ito ang bayan ng Solana na 68.56%.

Ang 2nd dose naman ng vaccination na target population nito ay 70%, umakyat na sa 76.39% ang lalawigan.

Gayunman, mayroon umano na pitong (7) bayan ang hindi pa umabot sa 70 % at ito ang mga munisipyo ng Ballesteros-69%, Alcala-69%, Enrile-68%, Allacapan-64%, Solana-63%, Buguey-63% at Baggao-55%.

Idinagdag pa ni Dr. Cortina na makakatulong ng malaki ang pagdating ng bakuna sa Cagayan sa mga darating na araw dahil ito ay aabot sa 39,000vials na para sa mga edad 5-11 na mga bata.

“Malamang na ito na ang makakapagbigay ng full heird immunity ng bakuna sa Cagayan para maging handa na rin ang probinsya sa face-to-face. Tamang-tama rin na nagdi-distribute tayo ng ultra-low freezer sa bawat bayan”, giit niya.

Nagpahayag pa ng katiyakan ang Health Officer na lalong tataas ang porsyento ng herd immunity ng Cagayan dahil sa pakikiisa ng mga LGUs at mga health centers sa naganap na National Vaccination Part 4 nitong nakalipas na March 10-12.

Sa huling data ng PHO ay may sapat na bakuna ang Cagayan na nasa 200,000 vials na para sa mga hindi pa nababakunahan ng 1st at 2nd dose.

Kasabay ng panawagan niya na magpatuloy sa pagbabakuna upang maabot rin ang sinasabing Alert Level System 0. Ngunit kailangan pa rin ng patuloy na pagsunod sa minimum public health standard upang ligtas pa rin sa virus.