GOV. MAMBA, BINIGYANG-DIIN ANG KAHALAGAHAN NG PAKIKIPAGKAIBIGAN AT UGNAYAN SA MGA KARATIG-BANSA

Itinanghal ang Yàn Huì Festival sa Kapitolyo na nagsimula ngayong Lunes, Enero 27, 2025 bilang pakikibahagi ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa selebrayon ng Chinese New Year ngayong taon.

Pinangunahan ni Governor Manuel Mamba ang opisyal na pagbubukas ng Yàn Huì Festival, kasama ang Unang Ginang ng lalawigan na si Atty. Mabel Villarica-Mamba na siya ring Proponent ng PGC Events, Provincial Administrator Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor, 3rd District Board Member Rodrigo de Asis, iba pang mga opisyal sa lalawigan; department heads, consultants, at mga empleyado ng Kapitolyo ng Cagayan, Ke Bing School, Federation of Filipino-Chinese Chamber of Commerce of Tuguegarao, Inc., at Filipino-Chinese Catholic Community of Tuguegarao, at iba pang mga bisita.

Nagsimula ang aktibidad sa isang pagbati mula sa Ama ng Lalawigan sa selebrasyon ng Chinese New Year. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Gov. Mamba kahalagahan ng pagiging kaibigan sa mga karatig-bansa.

“Happy Chinese New Year! I kept on talking about our connections to our neighbors. Since 2016, I said, let us look northward and rekindle our relations with our neighbors up north. Napaka-importante na malaman natin ang ating pinanggalingan. Our culture, traditions, and history define our future that we want for the future of our children’s children. The time of Asia has come. We are part of this. Naniniwala tayo that our best friends are our neighbors. Kung mayroon man tayong dapat alagaan ay ang ating “karuba.” I have always encouraged openness, inter-exchanges with them and today this is part of what we want to nurture among our neighbors. We are global citizens. We want that we will be the friend of everyone,” sambit ni Gov. Mamba.

Ayon naman kay Atty. Villarica-Mamba, bahagi na ng kasaysayan, kultura, at tradisyon ng mga Pilipino ang impluwensiya ng mga Chinese. Ito ay nagpapatunay lamang aniya na tayo ay “citizens of the world.”

Ipinaliwanag niya na ang mga aktibidad na itinanghal ay may kaakibat na swerte na ibibigay ayon sa paniniwala. Nguni’t binigyang-diin ni Atty. Villarica-Mamba na ang tunay na swerte sa buhay ay sukli ng ating pagiging mabuting tao.

Sa pagpapatuloy ng aktibidad, pinangunahan naman ni Gov. Mamba ang pagbabasa ng Chinese New Year greetings at sumunod naman si Sisi Ding mula sa Confucius Institute of the Philippines sa pagbabasa nito sa Chinese; at ng iba pang empleyado sa iba’t ibang lengguwahe kabilang ang Filipino, Ilocano, Ibanag, Itawes, at Malaueg.

Ang “Yàn Huì” ay nangangahulugang piging o salo-salo at ang highlight ng festival na ito sa Kapitolyo ng Cagayan ay ang pagpapakita ng iba’t ibang impluwensiya ng Chinese culture sa bansa, kabilang dito ang pagkain. Ipinakita rito ang ilang mga Chinese tradition tulad ng tea ceremony at tikoy tasting. Mayroon ding presentation ng 7 lucky food.

Nagbigay saya rin ang isinagawang lion dance, games para sa mga bata at mga bisita, fortune-telling, pagtatanghal ng performers mula sa Ke Bing School ng Tuguegarao City at ni Dhialyn Chan Binuluan. Isang interactive Taiji performance dance rin ang pinangunahan ni Sisi Ding kung saan lahat ay nakilahok.

Bida rin ang mga Chinese food at delicacies upang salubungin ang bagong taon. Kaya naman, nagkakaroon din ng pop-up stalls ng ating local vendors at exhibitors para sa Chinese food at iba pang Chinese items at products, at ilan ding local food at products. Ang pop-up stalls sa Kapitolyo ng Cagayan ay bukas naman sa publiko hanggang sa Enero 29, 2025.

Samantala, matagumpay na nagtapos ang festival sa isang community singing ng kantang “Peng You,” (Kaibigan), pagsisindi ng incense, at sa isang makulay na fireworks.