Pormal ng inumpisahan ang 37th Philippine-US Armed Forces BALIKATAN exercises sa Cagayan sa pamamgitan ng sabay-sabay na groundbreaking ceremony ng mga school building sa ilalim ng Engineering Civic Action Program o ENCAP kahapon, Marso-07, 2022.

Apat na paaralan na kinabibilangan ng Taggat Sur at Pinas Elementary School sa bayan ng Claveria; at Masi Elementary School sa bayan naman ng Rizal, Cagayan; at San Francisco Elementray School sa Alicia, Isabela ang napondohan ng $100,000 bawat isa mula sa gobyerno ng US. Mayroong sukat na 18×17 square meters ang lawak ng bawat gusali na ipapatayo na asahang matatapos sa buwan ng Abril ngayong taon.

Ayon kay 17th Infantry Battalion Comander LTC Oliver Logan na ang naturang BALIKATAN exercise ay magiging oportunidad upang magbahagi ang US Air Force ng kanilang kasanayan sa tropa ng Philippine Army. Layunin din nito na mapalakas ang pagkakaibigan ng kasundaluhan sa pwersa at sa palitan ng kaalaman, taktika at iba pang mga paraan sa iba pang aspeto.

Muli ring binigyang diin ng opisyal na walang mangyayaring live firing exercise alinsunod sa resolusyon ng Cagayan Provincial Peace and Order Council (PPOC) na pinapangunahan ni Governor Manuel Mamba, na inaprubahan ng Presidential Commission on Visiting Forces.

Inihayag rin ni Lt. Austin Koch, USAF, US Site OIC na ang ENCAP ay magsisilbing hakbang para sa pagtutulungan ng US at Philippine Forces sa pagtatayo ng bagong gusali. Ang US government na rin umano ang magbibigay ng mga kagamitan hanggang sa matapos ang proyekto.

“We will be providing materials and other heavy equipment for the duration of construction of the classrooms. We are very willing to teach Filipino forces on using these advanced technologies as they will be teaching us how to build buildings in their own way. We will work side by side. Now I am pretty much excited to learn the innovative process from Filipinos and we really do appreciate everyone,” sambit ni Koch.

Nagpasalamat naman ang pamunuan ng mga nasabing eskwelahan at ang mga mamamayan at ipinakita ang kanilang pasasalamat sa pamamgitan ng mainit na pagtanggap sa dalawang pwersa.