Umabot sa 2,572 magsasaka mula sa mga sa bayan ng Abulug, Ballesteros, at Lasam, Cagayan ang napagkalooban ng tulong pinansiyal mula sa Provincial Government of Cagayan (PGC) ngayong Huwebes, Enero 30, 2025.

Ayon kay Engr. Arsenio Antonio, OIC-Provincial Agriculturist ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA), ang mga benepisyaryo ay pawang mga magsasaka ng palay at High Value Commercial Crops (HVCC) na naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad sa probinsiya.

Personal na pinangunahan ni Cagayan Governor Manuel Mamba ang pamamahagi ng tulong sa mga magsasakang benepiyaryo kung saan muli nitong hinimok ang lahat na piliin ang tamang lider sa Cagayan sa darating na eleksyon. Sa pamamagitan nito aniya ay magtutuloy-tuloy ang pagbabago sa lalawigan maging ang pag-asenso ng buhay ng mga Cagayano lalo na ang mga nasa sektor ng agrikultura.

“Importante na hindi magnanakaw o nagsasamantala ang isang lider sa Cagayan. Mahirap ang gobyerno kapag magnanakaw ang lider, kaya sa darating na eleksyon ay isang tunay at tama na lider ang piliin, na dapat nagsisilbi sa bayan at hindi sa kaniyang sariling interest,” saad ni Gov. Mamba.

Nakiisa at nagpahayag rin ng suporta ang grupo ng One Cagayan sa pangunguna ni Ret. Gen. Edgar “Manong Egay” Aglipay at Allacapan Mayor Harry Florida. Bilang panauhin sa aktibidad, nangako ang grupo na ipatutupad nila ang tama at tapat na paggogobyerno na siyang ginagawa ni Gov. Mamba sa Cagayan upang higit na matulungan ang mga magsasakang Cagayano.

Samantala, katuwang ng OPA ang Provincial Treasury Office (PTO) sa pangunguna ni Mila Mallongga, Provincial Treasurer, at ang Provincial Office for People Empowerment (POPE) sa isinagawang distribusyon ng tulong pinansiyal.

Magpapatuloy pa rin bukas, Enero 31, 2024 ang pamamahagi ng tulong ng PGC sa pamamagitan ng OPA sa iba pang mga magsasaka sa lalawigan na naapektuhan ang kanilang mga pananim ng mga nagdaang kalamidad.