Sisimulan na ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang pagsasanay sa mga Purok Patrollers na makatutulong sa pagbibigay ng mabilis na impormasyon may kaugnayan sa kanilang mga nasasakupang lugar.

Sa naganap na virtual meeting ngayong araw, Oktubre-15, na pinangunahan ni Provincial Administrator Colonel Darwin Sacramed na siya ring Head ng PDRRMO, kasama ang mga MDRRMOs sa probinsya, layon nitong magkaroon ng agarang pagkukuhanan ng impormasyon sa bawat purok para agad na malaman ang sitwasyon at mabigyan ng agarang aksyon kung kinakailangan.

Ayon kay Col. Sacramed, ang mga MDRRMOs na ang pipili sa bawat barangay na siyang sasanayin sa pagsusulat ng balita, Risk Communication at situational reporting sa panahon ng kalamidad tulad ng bagyo.

Target ng tanggapan na makapagsanay ng nasa 5,740 na purok patrollers, partikular ang mga kabataan na na mayroong active social media account kung saan nasa 216 na trainors at sampu ang manggagaling sa PDRRMO.

Kaugnay nito, gaganapin ang isang araw na trainers’ training sa Oktubre-27 sa Cagayan Sports Coliseum na pangungunahan ng PDRRMO.

Bukod dito, nakatakda ring magsagawa ng Mega Flood Summit ang PDRRMO sa buwan ng Nobyembre kasabay ng unang anibersaryo ng naranasang malawakang pagbaha sa lalawigan.

(DIGNA BINGAYEN)