Pinaghahanda ni Governor Manuel Mamba ang mga lokal na pamahalaan ng lalawigan para sa rollout ng mga dumating at darating pang bakuna para sa Cagayan.Sinabi ng Gobernador na ang mga nasabing bakuna ay ibinigay sa probinsiya matapos hilingin mismo nito ng ama ng lalawigan kay Vaccine Czar Carlito Galvez dahil sa mataas na kaso ng Covid-19 sa probinsiya.

Pahayag ng Gobernador na may 155,660 doses ng bakuna kontra COVID-19 na nakalaan bago matapos ang buwan ng Setyembre. Matatandaang inihayag noon ni Gob. Mamba ang kanyang pagkabahala sa pagtaas ng bilang ng mga namamatay sa COVID-19 sa probinsiya kaya humiling siya sa national government ng mas maraming doses ng bakuna upang mapalakas ang herd immunity ng lalawigan laban sa COVID-19 virus.

Agad namang inayunan ng national government ang kahilingan ng ama ng lalawigan. Ang 40,630 doses mula 155,660 doses na ibibigay ay ilalaan sa Tuguegarao City at ang 115,030 ay ibababa sa iba’t ibang bayan sa Cagayan. Sinabi rin ni Gob.

Mamba na maliban sa 155,660 doses ay naglaan din ang national government ng 1,170 na doses ng bakuna para sa mga marina seafarer sa probinsiya. Una nang dumating noong Setyembre 15-24 ang 22,020 doses kung saan tinanggap ito ng Provincial Health Office habang 6,340 doses naman ang tinanggap ng City Health Office.

“If this is for 2 doses per person it represents 5% of our population and if single dose it represents 10% of our population dahil 1.2 milyon lang ang population natin dito sa Cagayan. Kailangan nating paghandaan ang roll-out nito dahil marami-rami ito at ngayon lang tayo nakatanggap ng ganito karaming bakuna,” ani Gob. Mamba. Bagamat wala pang tiyak na petsa, nakatakdang i-ship na rin ang 93,010 para sa Cagayan at 24,290 doses sa Tuguegarao City.Samantala, lubos naman ang pasasalamat ni Gob. Mamba sa national government dahil tinugunan ang kanyang kahilingan para sa mga Cagayano.

Tiniyak din niya na maghahanda ang Kapitolyo ng Cagayan sa gagawing roll-out ng bakuna sa oras na dumating na ito sa lalawigan lalo na umano ang mga gagamiting Ultra Low Temperature Freezer. “Tayo po ay nagpapasalamat dahil pinakinggan tayo. Kailangan mag prepare tayo lalo na iyong mga ref na ibibigay natin sa mga municipalities inihahanda na natin dahil yung mga bakunang dadating ay compose of Pfizer, Moderna, at Sinovac tatlong klase po ito,” saad ng Gobernador.

Kaugnay nito, pinamamadali na ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang pagdeliver sa mga biniling Ultra Low Temperature Freezer na gagamitin sa oras na dumating sa probinsiya ang mga bakunang nangangailangan ng mababang temperatura.

Samantala, patuloy ang pakiusap ng Gobernador sa taumbayan na magpabakuna at samantalahin ang mga dumadating na bakuna sa probinsiya upang magkaroon ng proteksiyon sa COVID-19 virus.

Nangako rin si Gob. Mamba na hindi titigil ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pagtutok at pagresolba sa kasalukuyang kinahaharap na krisis dala ng COVID-19 Pandemic. (BERNADETH HERALDE & REDEN L. DE LOS SANTOS)