Iginiit ni Acting Provincial Veterinarian Dr. Noli Buen ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan na patuloy ang ginagawang surveillance ng Provincial Veterinary Office sa lahat ng bayan at lungsod sa Cagayan.

Layon nito na mabatid at makontrol ang posibleng pagkakaroon o pagkalat ng African Swine Fever (ASF) sa mga bayan na apektado dati ng ASF at sa mga karatig na lugar. Ito ay sa pamamagitan ng blood collection samples sa mga alagang baboy ng mga hog raisers.

Matatandaan na ang pinakahuling apektado o nakapagtala ng ASF virus noong buwan ng Agosto hanggang sa unang linggo ng Setyembre sa bayan ng Claveria, Ballesteros, Piat at Aparri. Sa nakalipas na linggo naman ng Setyembre ay wala na umanong kaso ng ASF sa Cagayan, ayon kay Dr. Buen.

Kaugnay nito, inihahanda naman sa ngayon ang pagbibigay ng financial assistance bilang bayad pinsala para sa mga magsasakang Cagayano na apektado ng ASF. Umaabot ito sa mahigit P7 milyon at nasa 1, 174 na benepisyaryo ang mabababaan nito mula sa mga lugar na mga dati nang nakapagtala ng ASF.

Kinabibilangan ito ng Aparri, Alcala, Ballesteros, Camalangan, Claveria, Pamplona, Piat, Sta. Ana, Tuao, Buguey, Gonzaga, Enrile, Amulung, Solana, Allacapan, Sto. Nino, Sanchez Mira, Tiguegarao City, Iguig, Lal-lo, Abulug at Baggao.

Habang ASF free naman ang bayan ng Gattaran, Sta. Teresita, Lasam, Sta. Praxedes, Calayan, Peñablanca at Rizal.

Sinabi pa ni Dr. Buen na mayroong bagong panuntunan ngayon ang FA kung saan dati ay limitado ito sa tatlong (3) malalaking baboy na na-cull ang mabibigyan ng P3,000 kada-isang baboy. Ngayon naman ay maidagdag sa bilang ng mababayaran ang mga dumidede at bagong walay.

Ang isang suckling o dumidede ay mababayaran ng P500 bawat isa at ang weanlings o walay ay P1,000 kada-isa. Ngunit ang karagdagang babayaran ng PGC ay nasa maximum lamang na sampung (10) dumidede at walay.

Ang pamamahagi ng tulong pinansyal ay inisyatibo ng Provincial Government of Cagayan (PGC) sa pamununo ni Gov. Manuel N. Mamba upang makatulong sa mga hog raisers.(Susan L. Mapa)