Ipinagmalaki ni Cagayan Governor Manuel N. Mamba ang husay at galing ng mga kabataang Cagayano na nagtapos sa ilalim ng Club Numero Uno Program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.
Ito ang binigyang-diin ng gobernador kasabay ng isinagawang Recognition Rites para sa batch 2020 ng Club Numero Uno graduates ngayong Martes, Agosto 27, 2024.
Sa naging mensahe ni Gob. Mamba, ipinaabot nito ang taos-pusong pagbati sa higit kumulang 100 na mga Club Numero Uno beneficiary na nagsipagtapos sa iba’t ibang mga kurso mula sa iba’t ibang mga kolehiyo at unibersidad sa Cagayan at sa Metro Manila.
Saad nito, hindi matatawaran ang kaligayahang dulot ng kanilang pagtatapos para sa kanilang mga magulang habang karangalan din ang mga nakamit na Latin Honors at Academic Distinctions para sa ating probinsya dahil patunay ito na magagaling ang mga Cagayano.
Binigyang-diin pa ni Gob. Mamba ang kahalagahan ng edukasyon kaya aniya puspusan ang pagbibigay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ng suporta at tulong sa mga mag-aaral at maging sa mga paaralan sa probinsya upang matulungan ang mga kabataan na maabot ang kanilang mga pangarap.
Pangarap din ng gobernador na darating ang panahon na wala ng ni isang Cagayano ang mararanasang mag-abroad at magsakripisyong malayo sa kanilang mga mahal sa buhay dahil sa kakulangan ng maayos na hanapbuhay na tutustos sa pangangailangan ng pamilya.
Kaungnay rito, ipinunto rin niya ang maayos na pagpili ng karapatdapat na mga lider na manunungkulan sa pamahalaan upang matupad ang adhikaing maiangat ang pamumuhay ng bawat isa sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa lalawigan ng Cagayan.
“I dream na wala sa inyo ang mag-a-abroad, sana walang Cagayano ang mag-a-abroad, ito ay sakripisyo pero, walang mahusay at maganda na hindi dumadaan sa makipot na daan, mahirap ang tatahakin natin pero kakayanin natin. Kahit madilim, magbibigay tayo ng liwanag,” saad ni Gob. Mamba.
Umaasa naman si Gov. Mamba na lalo pang paghuhusayin ng mga nagsipagtapos ang kanilang paninilbihan sa mga mapapasukang trabaho upang mas maipakita pa sa lahat ang ipinagmamalaki at hindi matatawarang sipag at galing ng mga Cagayano
Nakatakda namang tumanggap sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ng P20,000 pesos ang mga nagtapos bilang Suma Cum Laude, P15,000 para sa mga Magna Cum Laude, P10,000 para sa mga Cum Laude, P5,000 sa mga may Academic Distinction, at P2,000 sa iba pang mga nagsipagtapos na miyembro ng Club Numero Uno.
Samantala, kasama rin sa recognition rites ang Unang Ginang ng Cagayan na si Atty. Mabel Villarica-Mamba, Provincial Administrator Maria Rosario Mamba-Villaflor, Cagayan Schools Division Superintendent Reynante Caliguiran, Consultant on Education Clarita Lunas kasama ang iba’t ibang mga Provincial Consultants, Department Heads, Retired General Manong Egay Aglipay, Former Congressman Randy Ting, at iba pang mga panauhin.
Ang Club Numero Uno ay inisyatiba ni Gob. Mamba mula pa nang manungkulan ito bilang Congressman na kumatawan sa ikatlong Distrito ng Cagayan at nagpatuloy naman nang maupo bilang Ama ng Lalawigan ng Cagayan sa layuning matulungan ang mga kabataang Cagayano sa kanilang pag-aaral at kilalanin ang kanilang mga iniuuwing karangalan para sa probinsya.