Tiniyak ng Provincial Veterinary Office (PVET) na handa ang lalawigan ng Cagayan laban sa sakit ng mga baboy na Afican Swine Fever (ASF) matapos ang inilabas ng Department of Agriculture (DA) na pagdami ng kaso ng ASF sa Calabarzon partikular sa Batangas.

Ayon kay Dr. Noli Buen, Provincial Veterinarian ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan, tuloy-tuloy ang kanilang ginagawang surveillance sa pamamagitan ng blood collections sa mga baboy sa Cagayan.

Aniya, simula pa noong 2022 nang tamaan ang Cagayan ng ASF ay nagpapatuloy ang PVET sa surveillance sa mga baboy upang masiguro na maagapan ito kung sakaling may magpositibo mula sa laboratory test.

Giit pa ni Dr. Buen, walang kaso ng ASF sa probinsya base sa resulta ng pinakahuling lab test sa mga isinumiteng blood samples na mula sa bayan ng Peñablanca at Sanchez Mira, Cagayan nitong mga nakarang araw.

“Wala naman tayong pinipiling bayan para sa surveillance dahil ito naman ay regular na aktibidad ng PVET kaya’t tuloy-tuloy ito sa lahat ng bayan sa Cagayan. Ganito natin pinaghahandaan ang ASF sa ating probinsya at may close coordination tayo sa lahat ng Municipal Agriculturist Office at Local Government Unit para sa kanilang protocol at counterpart para naman sa mga barangay na sakop nila sa usapin ng sakit na ito,” saad ni Dr. Buen.

Dagdag pa rito, mahigpit din ang isinasagawang provincial boundary checkpoint ng mga kapulisan at tauhan ng mga Task Force Lingkod Cagayan-Quick Response Team (TFLC-QRT) para sa monitoring ng mga frozen foods at live hogs na papasok sa lalawigan.

Paalala ng PVET sa mga hog raiser na makipag-ugnayan agad sa MAO at LGU technician kapag nakitaan ng sintomas ng ASF ang mga alagang baboy tulad ng pamumula ng katawan, hindi na kumakain, at biglaang pagkamatay.

Samantala, maliban sa surveillance ng ASF ay abala rin ang PVET sa blood collection para naman sa avian influenza o bird flu at ang pagsasagawa ng anti rabies vaccination sa mga bayan sa probinsya.