Napagwagihan ng Rural Improvement Club (RIC) Libertad, Abulug ang pinakamasarap na linubian sa ginanap na 2022 Linubian Festival sa Cagayan Farm School and Agri-tourism Center sa Aquiray, Amulung ngayong Lunes, June-27 bilang bahagi ng 439th Aggao Nac Cagayan celebration.

Nasa 21 na RIC at walong (8 ) 4H Club ang mga nagpakita ng iba’t ibang husay sa paggawa ng masasarap na linubian at pagandahan ng presentasyon.

Apat (4) na klase ng sahog sa ibabaw ng linubian ang ginamit ng RIC Abulug sa kanilang ginawa kaya’t napagwagihan nila ang P30,000. Ayon sa grupo, ang cheese, linga, minatamis na buko at latik ng niyog ang ginawang toppings sa magkakatabing bahagi ng isang buong linubian. Nagpasarap pa dito ang inilagay na ube sa pinakagitna ng linubian kaya’t mas sumarap pa ito sa inilagay na gata ng niyong at butter sa nilutong kamoteng kahoy na binayo hanggang sa maging pinung-pino.

Nasungkit ng 4H Club sa CSU Lal-lo ang 2nd prize na may premyong P25,000 dahil sa inobasyon nila ng linubian na may sahog na mangga sa ibabaw, kaunting kalamansi sa buong linubian at sa gitnang layer na may clitoria ternatea.

Habang ang 3rd prize na P20,000 ay nakuha ng Sta. Teresita RIC dahil naman sa sangkap na softdrinks, ginadgad na buko at dinisenyong malaking puso na akma sa tema ng aktibidad na ” “Ayat a minuli ti Linubian”.

Tumanggap rin ng plaque ang mga nanalo dahil sa kanilang galing at husay sa paggawa ng linubian. Lahat rin ng partisipante ay nag-uwi ng P3,000 at certificate of recognitions.

Ang mga judges sa pakontes na ito ay sina Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor, Chief of Staff, Engr. Silvia Lacambra, Provincial Director ng DOST at si Provincial Director Henry Conel ng DTI-Cagayan.

Kaugnay nito, sumali rin ang mga RIC at 4H Club sa pakontes ng maigsing portray na akma sa tema ng Linubian Festival. Nanalo dito ang 4H Club ng Lal-lo sa premyong P15,000; 2nd place ang RIC ng Aparri na may prize na P10,000 at 3rd ang RIC Tuao na tumanggap ng P5,000.

Sa aktibidad na ito ay pangunahing bisita si Atty. Mabel Villarica-Mamba, ang unang ginang ng lalawigan at Chairperson ng 439th Aggao Nac Cagayan celebration. Aniya, malaki ang papel na ginagampanan ng mga RIC at 4H Club sa pagiging aktibo ng kanilang organisayon at sa agrikultura sa Cagayan.

“Mas exciting ang story sa likod ng linubian kaya’t wag natin kalimutan ang ating pinagmulan, ang kultura dahil ito ang inspirasyon para sa mga Cagayano,” giit niya.

Bukod dito, sinabi naman ni Provincial Agriculturist Pearlita P. Mabasa na ang Linubian Festival ay pagpapakita ng simbulo ng pagkakaisa ng isang pamilya at kung paano nagsimula ang ligawan at pagmamahalan. Ito umano ang tradisyon sa paggawa ng linubian kapag may okasyon ang mga Cagayano.