Aktibong nakilahok ang labing pitong kawani ng Alcala Municipal Hospital sa isinagawang Basic Life Support (BLS) Training sa pangunguna ng Provincial Health Office (PHO) nitong Oktubre 15-16, 2024.
Pangunahing kasama sa naturang aktibidad ay ang mga nurse, medical technologies, at mga Administrative personnel ng naturang ospital.
Ayon kay Robert Umoso Jr., Provincial DRRM-H Manager na siyang nanguna sa naturang aktibidad, ang pagsasanay ay isang hakbang upang makakuha ng mga kinakailangang lisensya para sa operasyon ng ospital, gayundin sa institutionalization ng Disaster Risk Reduction and Management in Health (DRRM-H) upang mas mapabuti ang kalidad ng serbisyong pangkalusugan sa Alcala Municipal Hospital.
Sa tulong ng mga kwalipikadong tagapagsanay, ibinahagi ang mga kinakailangang hakbang upang maging handa ang mga health worker sa pagtugon sa panahon ng kalamidad.
Layon pa nito na sa pamamagitan ng nasabing pagsasanay ay mapataas ang kakayahan ng mga healthcare worker sa pagtugon sa mga sitwasyong kinakailangan ng agarang atensyon.
Matatandaan na isa sa mga mandato ni Governor Manuel Mamba na magkaroon ng sapat na kahandaan ang lahat ng Cagayano at mapatatag ang kapasidad ng mga frontliner upang laging handa ang mga ito sa anumang sakunang mararanasan sa probinsiya.
Binigyang-diin naman ni Umoso na aasahang patuloy na isusulong ng PHO ang mga ganitong uri ng pagsasanay sa mga susunod na araw bilang bahagi ng kanilang mandato sa pagpapalakas ng health system sa probinsiya.