Nakiisa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pamamagitan ng Cagayan Tourism Office (CTO) sa “Bisita, Be My Guest” (BBMG) Program ng Department of Tourism (DOT).

Sa ginanap na Regional Tourism Stakeholders Assembly and Forum at “Bisita, Be My Guest” Activation na inilunsad ng DOT Region 02 sa Go Hotel, Tuguegarao City kamakailan na pinangunahan ni DOT Regional Director Troy Alexander Miano, dumalo ang CTO upang makiisa sa paglulunsad ng bagong programa ng DOT.

Ang BBMG ay isang kampanya na humihimok sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) at mga Filipino overseas na magsilbing “ambassadors” ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagsulong sa turismo ng bansa sa mga non-Filipino na mga kaibigan at pamilya.

Pinangunahan ni Jenifer Junio-Baquiran, ang OIC-Tourism Officer ng lalawigan ang delegasyon ng CTO kasama ang ilang mga kawani nito sa naganap na forum at launching.

Naging panauhin din ng paglulunsad sina Undersecretary Verna Esmeralda Buensuceso ng Tourism Planning and Development at Assistant Secretary Maria Rica Bueno ng Tourism Regulation Coordination and Resource Generation.

Samantala, binigyang-diin ni Usec. Buensuceso ang tourism potentials ng Cagayan Valley at ibinahagi naman ni Asec. Bueno ang kahalagahan ng pagpapalago sa human resource sa larangan ng turismo.

Ayon kay Junio-Baquiran, kinikilala at sinusuportahan ng PGC ang programang BBMG ng DOT. Aniya, maraming Cagayano ang nagta-trabaho sa ibang bansa at sa pamamagitan ng programa ng PGC, hindi naisasawalang-bahala ang mga Cagayanong OFW.

“Anything that can give them the opportunity to visit or return to Cagayan and be with their respective families and at the same time spur development in Cagayan is a welcome project we support. The BBMG is an opportunity to reach out to them and encourage them to come home with their friends abroad as they visit their family and friends in the Philippines, particularly Cagayan province,” sambit pa niya.

Samantala, naging bahagi rin ng aktibidad ang travel agents, tour guides, hotel and resort owners, at tourism officers sa iba’t ibang probinsiya ng rehiyon.