Nakiisa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pamamagitan ng Provincial Health Office (PHO) katuwang ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa tatlong araw na pagsasanay sa “DILG OPERATION LISTO: Managing of the Dead and Missing Persons (MDM): For Local Government Units” nitong Setyembre 23-25, 2024.
Ayon kay Xernan Wandagan, Administrative Officer IV ng PHO, layon ng aktibidad na palakasin ang kapasidad ng bawa’t ahensiya at mga lokal na pamahaalan sa epektibong pagsasagawa ng Search, Rescue, and Retrieval at ‘dead extraction’ sa panahon ng sakuna.
Ibinahagi rin sa mga Local Government Unit (LGU) ang mga alituntunin at regulasyon alinsunod sa NDRRMC Memo Circular No. 19 s. 2016 o “Rules and Regulations Governing the Implementation of the Management of the Dead and Missing Persons”.
Sinabi pa ni Wandagan na ang mga kaalamang ibinahagi sa naturang aktibidad ay makatutulong upang maisaayos pa ang mga kasalukuyang polisiya na ipinatutupad sa usapin ng Health Emergency Response Team lalo na sa hindi inaasahang mga sakuna o kalamidad.
Samantala, pinangunahan naman nina Zenart Villamar ng PDRRMO at Wandagan ng PHO na kaugnayan sa Task Demonstration at Simulation Exercises (SimEx).
Ito ay alinsunod din sa pagnanais ni Gob. Manuel Mamba na mapatatag ang kapasidad ng Health Emergency Response Team ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan upang laging handa sa anumang sakunang mararanasan sa probinsiya.
Ang tatlong araw na pagsasanay ay dinaluhan ng mga Provincial Health Officer, Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), at mga responder mula sa iba’t ibang probinsiya sa Lambak ng Cagayan.