
Handang-handa na ngayon ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pagsabak ng mga atletang Cagayano sa nalalapit na Cagayan Valley Regional Athletic Association(CAVRAA) Meet sa buwan ng Abril na gaganapin sa Santiago, Isabela.
Sa ginanap na unang Provincial School Board (PSB) Meeting sa G.O Conference Room ngayong ika-30 ng Enero na pinangunahan ni Provincial Administrator Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor, kanyang inihayag na pinaghahandaan na ng husto ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang nalalapit na CAVRAA Meet ngayong taon.
Katunayan aniya, nais ni Gobernador Manuel Mamba na bumuo ng CAVRAA Management Team na siyang magsisilbing overseer sa mga kaganapan at tututok sa mga pangangailangan at lahat ng iba pang mga dapat pagtuunan ng pansin sa nasabing sports event.
Magugunitang sa loob ng pitong sunud-sunod na taon ay nakamit ng lalawigan ng Cagayan ang kampeonato subali’t nitong nakaraang taon ay naging 3rd runner up ang Cagayan.
“We want to ensure that we do not commit the same mistakes again. That is why we make sure that we see to it that the usual problems are met and all things are in place now,” ani PA Villaflor.
Iprinisinta naman ni Cagayan Provincial Learning and Resource Center (CPLRC) Head, Michael Pinto ang proposal sa pagbuo ng CAVRAA 2025 Management Team. Aniya, layunin nitong magkaroon ng koordinasyon sa Division Office para sa tamang implementasyon ng mga plano, pagtitiyak na lahat ng mga financial concerns hinggil sa CAVRAA ay matugunan ng maayos, masubaybayan ang lahat ng mga pagbabago o development sa mga training camps at sa mismong palaro at matutukan at magkaroon ng tally of winners sa pakikipag-ugnayan sa mga Division Office personnel, dokumentasyon sa mga aktibidad at mga kaganapan roon upang mailathala sa CPIO page at iba pa.
Samantala, na-bid na ang P15.4M na inilaan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan para sa in-house training, meals, at CAVRAA proper. Aabot naman sa P5.7M ang inilaan para sa uniforms and equipment.
Inaasahang sa ika-12 ng Marso ay magsisimula ng magsasanay ang mga atletang Cagayano na sasabak sa CAVRAA 2025 sa buwan ng Abril.
Ang nasabing pagpupulong ay pinangunahan ni Provincial Administrator Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor, katuwang si Consultant on Education Clarita A. Lunas na dinaluhan ng mga miyembro ng PSB mula sa Schools Division of Cagayan, NGO Representative, MCNP President Christian Guzman at mga opisina sa Kapitolyo ng Cagayan gaya nina Provincial Budget Officer Raynald Raul Ramirez, Provincial Engineer Kingston Dela Cruz, CPLRC Head Michael Pinto, kinatawan mula sa Provincial Treasurer’s Office, Accounting Office, mula sa opisina ni BM Atty. Mila C. Lauigan at Cagayan Police Provincial Office.