Matagumpay na isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pangunguna ng Provincial Natural Resources and Environmental Office (PNREO) ang bamboo planting activity bilang pakikiisa sa selebrasyon ng World Bamboo Day ngayong Miyerkules, ika-18 ng Setyembre.
Ayon kay Atty. Leonard Beltran ng PNREO, umabot sa mahigit 700 bamboo propagules ang itinanim sa Barangay Alabiao, Tuao bilang pakiisa sa naturang aktibidad na isinasagawa hindi lamang sa Cagayan kun’di sa buong Pilipinas.
Layon ng aktibidad na itaas at palawakin ang kamalayan ng publiko tungkol sa kahalagahan ng kawayan, ganun din ang kontribusyon nito sa sustainable development at eco-friendly tourism ng isang komunidad. Ngayong taon, ang tema ng selebrasyon ng World Bamboo Day ay “Buhay-Kawayan: Haligi ng Industriya’t Kalikasan, Pag-asa sa Kinabukasan”.
Dagdag pa ni Atty. Beltran, ang pakikiisa sa selebrasyon ng World Bamboo Day ay nakaangkla rin sa isinusulong ni Governor Manuel Mamba na ‘I Love Cagayan River Movement’ kung saan layunin nitong isaayos muli ang Ilog Cagayan at maibsan ang epekto ng nararanasang mga kalamidad sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga puno lalo na ang kawayan.
“Alam naman natin kung gaano kahalaga itong activity na ito kay Governor Mamba and he is very supportive when it comes to this kind of activity. Hindi na ito bago, we are always doing this so I think we just need to see our hardworks, we are not just planting trees but we are also planting hope for our children, for our future,” saad ni Atty. Beltran.
Bilang kinatawan naman ni Governor Manuel Mamba, nagbigay naman ng mensahe si Provincial Administrator Atty. Ma Rosario Mamba-Villaflor tungkol sa kahalagahan ng bawat aktibidad na isinasagawa ng gobyerno na nakatuon sa pag-aalaga sa kalikasan at binigyang-diin nito na kailangan kahit paunti-unti ay may nagagawa ang bawat isa para sa kapakanan ng kanilang pamilya at kinabukasan.
“Let’s all be like the bamboo, not just resilient, bukod sa pagtayo, dapat ding may progreso, hindi lamang dapat tayo isang kahid isang tuka. Kahit pa konti-konti, ipagpatuloy nating itong aktibidad natin kasi malaki ang dulot nito sa buhay natin,” saad ni Atty. Mamba-Villaflor.
Kasama sa naturang aktibidad ang punong barangay ng Alabiao Tuao na si Anji Sedano, Sangguniang Bayan Members ng lokal na pamahalaan ng Tuao sa pangunguna ni SB Marcy Mamba-Perez bilang kinatawan ni Mayor William Mamba, mga emplyado ng LGU Tuao, miyembro ng JCI Tuao, Provincial Office for People Empowerment (POPE) sa pangunguna ni Pio Matammu, at ilang mga empleyado ng Kapitolyo ng Cagayan.