Libo-libong mga magsasaka mula sa iba’t ibang bayan sa Cagayan ang muling nakatanggap ng tulong pinansiyal sa patuloy na isinasagawang distribusyon ng Pamahalaang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.

Ngayong ika-24 ng Enero 2024, umabot sa 2,366 na magsasaka ng palay at High Value Commercial Crops (HVCC) sa probinsiya ang pinagkalooban ng tulong pinansiyal.

Nabigyan ng tig-P1,500 ang nasa 1,506 na magsasaka ng Allacapan, 397 sa Sta. Praxedes, 345 sa Claveria, at 118 na magsasaka ng Pamplona, Cagayan.

Ayon kay Engr. Arsenio Antonio, Acting Provincial Agriculturist ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA), ang mga tumanggap ng tulong pinansiyal ay ang mga magsasakang naapektuhan ng baha at bagyo ng mga nagdaang taon.

Ang pamamahagi aniya ng tulong sa sektor ng agrikultura ay sa pagnanais ni Governor Manuel Mamba na mabigyan ng kahit tulong ang mga pangunahing naaapektuhan ng mga nagdaang kalamidad sa lalawigan.

Tiniyak pa ng OPA na magpapatuloy sa darating namga araw ang pamamahagi ng tulong sa mga magsasakang Cagayano sa iba pang bayan sa Cagayan.

Nakiisa naman bilang bisita ang team ng One Cagayan sa pangunguna ni Allacapan Mayor Harry Florida sa naturang distribusyon kung saan nangako ang grupo na isusulong nila ang -pagkakaroon ng farm machinery, rice mill, at processing center sa Cagayan. Gayon din ang pagkakaroon ng sariling suplay ng kuryente at insurance ang mga magsasaka upang mapaganda ang kanilang buhay kasama na ang mga mangingisda sa 2nd. district at sa buong lalawigan ng Cagayan.

Samantala, naisakatuparan ang pamamahagi ng tulong sa pangunguna ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) at katuwang ang Provincial Office for People Empowerment (POPE), Provincial Treasury Office (PTO), at ilang opisyal ng bawa’t Local Government Unit (LGU) ng naturang mga bayan.