Nagpapatuloy at hindi nagpapigil sa sama ng panahon ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa paghatid ng educational assistance sa mga Agkaykaysa Scholar ng Cagayan na isinagawa sa Cagayan State University (CSU)-Lal-lo Campus, ngayong Martes, Hulyo 23, 2024.

Aabot sa mahigit 2,000 Agkaykaysa Scholars ang muling nakatanggap ng tig-₱3,500 para sa ikalawang semestre ng School Year 2023-2024 sa nagpapatuloy na pamamahagi ng PGC, kung saan ang mga benepisyaryo ay mula sa limang (5) bayan na kinabibilangan ng Gattaran, Allacapan, Lasam, Ballesteros, at Lal-lo.

Kaugnay rito, inihayag naman ng mga mag-aaral ang kanilang pasasalamat kay Gov. Mamba dahil sa inisyatibo nito na suportahan ang sektor ng edukasyon sa pamamagitan ng pagkakaroon ng scholarship program sa mga “poor but deserving” student sa lalawigan.

“I would like to reiterate my warmest gratitude for this scholarship. To the Governor, thank you for providing opportunities for students like me to continue our education and reach our aspirations. And I hope you will continue this program to provide financial assistance for deserving students,” ang mensahe ng pasasalamat ni Cristine Cudal, purok agkakaysa scholar mula sa bayan ng Allacapan.

Dumating naman sa distribusyon si Francisco “Franco” Mamba III bilang kinatawan ni Governor Manuel Mamba, sa kanyang mensahe muli nitong ipinaabot sa mga iskolar ang pagnanais ng ama ng lalawigan na mapabuti ang probinsiya katuwang ang mga kabataan ng Cagayan.

“Sana lagi nating dalhin yung mga adbokasiyang sinimulan ni Gov. Mamba, aside from the Cagayan International Gateway Project, lagi din nating tandaan yung I Love Cagayan River Project na sinimulan din ni Gov. Mamba, because along with our progress to development, kailangan you also take into consideration yung ating environment. Kaya sana tayong mga kabataan always to dream with us. Another advocacy na dapat sana’y tuloy-tuloy ay ang Krusada Kontra Korapsyon (KKK), ” saad ni Mamba III.

Kasama rin dito si Ret. General Edgar “Manong Egay” Aglipay, SB Rowyn Samonte ng Lal-lo, Provincial Treasury kasama ang mga empleyado ng Provincial Office for People Empowerment (POPE), at mga opisyal ng mga nasabing bayan.

Samanatala, bukas, Hulyo 24, 2024 ay nakatakda namang ipamahagi ang kahalintulad na educational assistance sa mga benepisyaryong mula sa mga bayan ng Sanchez Mira, Sta. Praxedes, Claveria, Pamplona, Abulug, at Calayan.