Matagumpay ang naging pagdaraos ng Sand Sculpting cum Coastal Clean-up sa bayan ng Aparri sa ikalawang araw ng selebrasyon ng ika-439th Aggao nac Cagayan ngayong araw ng Biyernes, Hunyo 24, 2022.

Ayon kay Mark Anthony Ramos, ang Committee Dev’t Assistant II ng PNREO, Alas 5:00 pa lamang kaninang umaga ay nagsimula nang maglinis ang nasa humigit kumulang 1,400 na participants sa buong kahabaan ng coastal area ng Brgy. Maura, Aparri na mayroong tinatayang mahigit isang kilometro ang sukat.

Karamihan sa mga nadampot nilang basura aniya ay mga non-biodegradable waste na ikinakalat ng mga beach-goers sa lugar at ng ilang mga residente ng kalapit barangay ng Maura.

Sa naging panayam naman kay PNREO Head, Robert Adap ang pinakalayunin umano ng aktibidad ay upang gisingin ang komunidad sa katotohanan na tayo ay mayroon ngayong kinakaharap na suliranin sa kalikasan at kinakailangan na tugunan ito kung kaya sinimulan nila ang coastal clean-up. Aniya ay matapos ang aktibidad ay umaasa siya na makikipagtulungan ang komunidad sa pagtugon sa suliranin at maging bahagi ng solusyon.

“Our very purpose for this activity is to awaken the community that we have pending problems which is ito ngang basura na need na i-manage properly. Kaya we started this with the help of the community and the different government agencies,” ani Adap.

Pinasalamatan naman ni Adap ang lahat ng dumalo at nakiisa sa aktibidad dahil sila aniya ang naging dahilan na naging matagumpay ang pagdaraos nito.

Patuloy naman aniya ang koordinasyon nila sa mga opisyal ng LGU Aparri at ng mga barangay partikular na sa mga coastal barangays upang mamintina ang kalinisan sa mga coastal areas ng bayan.

Samantala, sa kanya namang mensahe sa ginanap na awarding ceremony ng sand sculpting competition, ay binigyang diin ni Atty. Mabel Mamba, ang unang ginang ng lalawigan at siya ring Chair ng Aggao Nac Cagayan 2022, ang kahalagahan ng aktibidad kung saan kanyang sinabi na ang bayan ng Aparri bilang isa sa mahal na mahal ni Governor Manuel Mamba na bayan ay talaga namang pinagtutuunan niya ng pansin dahil sa ito ang magsisilbing pintuan ng mga karatig nasyon para mapalago pa ang ekonomiya ng probinsiya at ng bansa. Aniya, mahalagang ayusin at linisin ang ilog Cagayan upang maging handa ito sa napipintong pagbubukas muli ng Port of Aparri na ipinasara ng ilang mga ganid na pulitiko.

Dagdag din ng unang ginang na marami mang mga tao ang patuloy na sumisira sa adhikain ng Gobernador, ay hinding-hindi kailanman matitinag at masisira ang pangarap ni Gob. Mamba para sa mga Cagayano.

“Alam natin na ang bayan ng Aparri ay isa sa may pinakamahalagang papel hindi lamang sa Cagayan kundi sa buong Pilipinas. Alam natin na nakipagkalakalan na ang mga Hapones, Chino, at ng iba’t ibang nasyon dito sa Aparri. At alam din natin na nitong mga nakaraang panahon ay napabayaan ang pwerto ng Aparri kaya ng maging Gobernador si Gov. Mamba ay isa sa kanyang mga binitawang salita ay ang muli niyang bubuhayin ang pwerto ng Aparri upang mabuhay din ang kalakalan, ang negosyo at hindi lamang ang mga AparrieƱo ang makikinabang kundi maging ang buong Cagayan at ang buong Pilipinas,” diin ni Atty. Villarica-Mamba.

Dagdag pa dito, pinasalamatan din ng unang ginang ang 30 grupo na nakilahok at nakiisa sa aktibidad. Pinuri din niya ang obra ng mga ito dahil hindi lamang pang lokal at nasyonal ang kanilang mga talento sa arte kundi pang international din.

Para naman sa mga nanalo, ang nakakuha sa ikatlong pwesto ay ang Brgy. Macanaya na tatanggap ng halagang P10,000, sumunod sa ikalawang pwesto ang brgy. Paddaya na tatanggap ng P20,000, at ang tinanghal na kampeon ay ang Aparri East National High School na makakatanggap naman ng P30,000.

Laking pasasalamat naman ng mga nagwagi sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan o PGC sa pagsasagawa ng aktibidad. Ayon kay Kae Reyes ng Aparri East National High School, na siyang kampeon sa kompetisyon, nagpapasalamat siya sa pamunuan ng PGC dahil sa pamamagitan nito ay inuudyok nila ang mga AparrieƱo na ipakita kung ano ang meron sa kanilang bayan na hindi lamang pang resort ang kanilang dagat kundi may nabubuong Art.

Sa kabilang dako naman ay naging mas exciting at enjoy pa ang aktibidad ng magtanghal ng cultural dance ang dance group ng iba’t ibang paaralan sa Aparri at bilang insentibo sa kanilang pagtatanghal, ang bawat grupo ay makakatanggap ng P5,000.00.

Naging hurado naman sa kompetisyon sina Helen Donato, head ng PSWDO, Jeanna Garma, Provincial Accountant; Arch. Jemuel Moreno ng Provincial Engineering’s Office, Rueli Rapsing, TFLC Head, at Sheryl Diane Tabag ang Tourism Officer ng LGU Sta. Ana.

Dahil naman sa kagandahan ng aktibidad ay balak na umanong gayahin din ito ng LGU Sta. Ana ayon na rin kay Tabag.

Kabilang pa sa mga lumahok sa aktibidad ay ang mga tauhan ng LGU Aparri, Philippine Coast Guards, Armed Forces of the Philippines, PNP, Youth sector groups, iba’t ibang Government agencies, brgy. officials ng bawat barangay ng Aparri, department heads, consultants, at mga empleyado ng PGC. Nakiisa din sa aktibidad si Aparri Vice Mayor Rommel Alameda at ang kanyany maybahay na si Councilor Elizabeth Alameda.

Sumentro naman sa tema ng pagdiriwang ng Aggao na “Panagyaman, ken Namnama kadatayo nga Cagayano” ang naging disenyo ng mga sand sculptures.