Ipinaabot ni Provincial Administrator Atty. Ma. Rosario Mamba-Villaflor ang kanilang pasasalamat sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council sa ginagawang hakbang para maiwasan ang mapaghandaan ang epekto ng kalamidad tulad ng bagyo sa lalawigan.

Sa naganap na Pre-disaster Risk Assessment (PDRA) ng bagyong “Gener” na pinangunahan ni PA Atty. Mamba-Villaflor bilang kinatawan ni Governor Manuel Mamba, sinabi nito na kanyang nakita ang kooperasyon at pagsisikap ng bawa’t miyembro ng council para sa paghahanda hanggang sa pagtugon sa tuwing kalamidad na nakatulong para maiwasan ang epekto ng bagyo sa bawat Cagayano.

“Thank you sa lahat ng member, sainyong efforts, every member doing their response and they communicate effectively,” saad ni PA Atty. Mamba-Villaflor

Tiniyak din nito ang suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa lahat ng miyembro ng council para matiyak ang kaligtasan ng lahat sa banta ng nasabing bagyo.

Samantala, sa naturang online meeting, activated na rin ang Incident Management Team (IMT) na pangungunahan ng kanilang incident commander na si Zenart Villamar ng Provincial DRRMO, na silang mangunguna sa pagmomonitor sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng bagyong “Gener”.

Ayon kay Villamar, nakaposisyon ang IMT sa capitol compound sa lungsod ng Tuguegarao dahil pangunahin nilang babantayan ang ilog Cagayan na bahagyang tumaas ang lebel na umabot hanggang sa alert level, kagabi.

Sinabi rin ni Arnold Azucena ng Task Force Lingkod Cagayan-Quick Response Team (TFLC-QRT) na nasa red alert status ang pitong station na nasa iba’t-ibang bayan sa probinsiya.

Bukod dito, nakatutok din umano ang nabuong “purok brigade disaster” ng Provincial Office for People Empowerment (POPE) na agad nagpapadala ng sitwasyon sa kanilang mga nasasakupang lugar.

Sa ngayon, nananatiling nasa red alert status ang Cagayan PDRRMC bilang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyong “Gener” sa Cagayan.