Paiilawan ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Gov. Manuel Mamba ang lahat ng eskinita sa buong lungsod ng Tuguegarao.

Ito ang inihayag ng gobernador kay Tuguegarao City Mayor Maila Ting-Que sa pagkikita ng dalawang opisyal ngayong araw ng Biyernes, Hulyo-15.

Tiniyak ni Gob Mamba kay Mayor Ting-Que na maisasakatuparan ang nasabing proyekto sa kasalukuyang taon.

Pawang mga solar lights ang ipapailaw sa mga eskinita na sisiguro na may sapat na liwanag sa gabi upang magsilbing tanglaw ng mga mamamayan sa siyudad.

Bahagi din ito ng suporta ng administrasyong Mamba sa bagong liderato ng Tuguegarao sa pamumuno ni Mayor Maila Ting-Que.

Samantala, inayunan agad ni Gov. Mamba ang kahilingan ni Mayor Ting-Que na magkaroon ang siyudad ng mga maliliit na dump trucks o kung tawagin ay “penetrator” sa tulong ng Pamahalaang Panlalawigan..

Malaking tulong ayon sa alkalde kung mabibigyan ni Gov. Mamba nf mga penetrator dump trucks ang Pamahalaang Panglungsod upang may magamit sa pagkuha ng mga basura sa mga makikipot na bahagi ng Tuguegarao.

Agad na inaprubahan ito ng ama ng lalawigan at tiniyak na maipapasama sa mga bibilhing equipment ng Kapitolyo sa ilalim ng 2023 budget.

Kaugnay nito ay labis naman ang pasasalamat ni Mayor Ting-Que sa suporta ni Gob. Mamba hindi lamang sa kaniyang administrasyon kundi sa buong mamamayan ng kalunsuran.

Nagkaroon ng pagkakataon na makapag-usap ang pinuno ng Cagayan at Tuguegarao sa necrological rites ni yumaong City Councilor Danilo Baccay sa City Hall ngayong araw.