Pinasinayaan at binasbasan ang mas pinaganda at pinabagong Capitol Main Building ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ngayong Lunes, ika-18 ng Setyembre, 2023.

Pinangunahan ni Gobernador Manuel Mamba ang pagpapasinaya kasama ang Unang Ginang na si Atty. Mabel Villarica-Mamba; Provincial Administrator Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor; 3rd District Board Member Rodrigo De Asis; 1st District Board Member Atty. Romeo Garcia; Department/Division heads; Consultants; mga opisyal at miyembro ng Philippine National Police (PNP), at iba pang law enforcers.

Nabatid kay Senior Architect Ronan S. Bariuan ng Provincial Engineer’s Office (PEO) na ang pagsasaayos at pagpapaganda ng nasabing gusali ay pinondohan ng mahigit P40 M mula sa General Fund ng CY 2019 at General Fund ng CY 2022. Ang contract amount ng Phase I at II ay umabot sa P29,750,600.72 at Phase III na P13,388,961.25. Sinimulang ayusin ang Phase I nito noong Nobyembre 16, 2020 at inaasahang matatapos sana ang Phase III nito ngayong Nobyembre 10,2023 subalit maagang natapos ang proyekto. Ang nasabing kontrata ay isinakatuparan ng Contractor na si Rogelio M. Dimaandal Construction.

Nanguna sa pagbasbas ng naturang gusali sina Father Jake Ordillos, Chancellor ng Archdiocese ng Tuguegarao at Fr. Joshua Balinan ng San Jacinto Seminary.

Ayon kay Gobernador Manuel Mamba, dahil sa maayos na pamamahala ng mga namumuno ay naipapakita at naibibigay sa mamamayan ang tamang serbisyo sa pamamagitan ng mga dekalidad na proyekto at programa. Bakas sa bagong bihis at bagong ayos na main building ang dekalidad at maipagmamalaking Kapitolyo ng Cagayan.

Ang pinagandang main building ng Kapitolyo ang magiging opisina ni Gobernador Manuel Mamba, Provincial Administrator’s Office sa pamumuno ni PA Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor, Internal Audit Unit (IAU), Information System Unit (ISU), at mga opisina ng Consultants ng Gobernador.