Mahigit limang daang naging biktima ng Super Typhoon Egay nitong nagdaang buwan ng Hulyo mula sa limang bayan sa probinsiya ang nabahagian ngayon ng Financial Assistance (F.A) mula sa pondo na galing kay Senator Robin Padilla.

Nabatid kay Rosario Mandac, RSW, SWO IV/ Chief, Technical Division ng Provincial Social Welfare Development Office (PSWDO), ibinaba ng tanggapan ni Senator Robin Padilla ang pondo sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ang PSWDO ang umasikaso sa pamamahagi ng F.A na P5,000 kada biktima ng bagyo na nasiraan ng mga tahanan.

Umabot sa 100 na indibidwal ang nabigyan ng F.A sa bayan ng Abulug, 32 sa bayan ng Ballesteros, 81 sa bayan ng Claveria, 200 sa bayan ng Sanchez Mira, at 100 sa bayan ng Pamplona.

Ang limang bayan sa lalawigan ay sinuyod nitong nakaraang mga araw ng mga kawani ng DSWD na siyang namuno sa pay-out ng F.A kasama ang mga kawani ng PSWDO sa pamumuno ni PSWD Officer Helen Donato na nag-assist at nakipag-ugnayan kasama ang staff ni Senator Padilla na si Virgilio Carino.

Laking pasasalamat din ng mga biktima sa ipinagkaloob na F.A para sa kanila bilang pandagdag sa kanilang gastusin sa pagpapagawa ng nasira nilang tahanan.