Tinanggap ng hanay ng pulisya ng Tuguegarao ang karagdagang PNP patrol car mula sa Provincial Government of Cagayan sa pangunguna ni Governor Manuel Mamba sa Cagayan Sports Complex grounds, kahapon araw ng Linggo, April-17.

Mismong si LtCol. Edith Narag, ang Chief of Police ng PNP Tuguegarao ang tumanggap sa mga mobile patrols kung saan nagkakahalaga ang bawat isa ng P1.6 milyon. Kasabay rin nito ang pagbibigay ng RHU Patient transport vehicle na tinanggap naman ni Dr. James Guzman ang City Health Officer ng lungsod.

Samantala, aabot naman sa P24,992,151.20 ang ibinabang pondo sa lungsod sa ilalim pa rin ng “No Barangay Left Behind” program. Iba’t ibang benepisaryo katulad ng Barangay health workers, nutrition scholars, barangay officials at tanods, purok scholars at Sangguniang Kabataan ang tumanggap sa nasabing halaga.

Patuloy rin ang 3rd tranche ng native chicken dispersal sa ilalim naman ng “Magsakabataan” program kung saan nasa 4,172 ang bilang ng manok ang ipinamahagi sa 1,043 na mga kabataan sa siyudad.

Naimbitahan naman sa aktibidad sina 3rd district Board Member Rodrigo de Asis, Ex-officio Board Member Maila Ting-Que, at SK Vice President Gerald Valdez. Ang distribusyon ay pinangunahan ng ama ng lalawigan kasama ang mga department head ng Kapitolyo na sina Dr. Carlos Cortina III, PSWDO Head Helen Donato, at Provincial Agriculturist Pearlita Mabasa.