Ipinamalas ng mga kabataang may kapansanan ang kanilang angking talento at galing sa ginanap na culminating activity ng National Disability Rights Week na ginugunita tuwing ika-17 hanggang 23 ng Hulyo.
Mahigit isang daang kabataan mula sa tatlong distrito ng Cagayan ang nagtagisan ng galing sa iba’t ibang kategorya sa ginanap na Talents Unlimited at Paralympic Games for Learners with Disability sa Cagayan Sports Complex nitong Huwebes, Agosto 22, 2024.
Nabatid kay Resty Vargas, Social Welfare Officer III at Person with Disability Affairs Officer (PDAO) Designate, katuwang ng Provincial Government of Cagayan (PGC) sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development (PSWDO) ang Department of Education (DepEd)-SDO Cagayan at Handicapables Association of Cagayan at ang Task Force Lingkod Cagayan-Quick Response Team (TFLC-QRT) para maisakatuparan ang aktibidad na ito. Layon nito aniya, na sa pamamagitan ng ganitong aktibidad ay makapaghanda ng husto ang mga kabataang ito sa pagsabak nila sa Palarong Pambansa at sa iba pang mga paligsahan.
Sa naging mensahe ni Provincial Administrator Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor, sinabi nito na nararapat lamang na magkaroon ng inclusive participation ang mga Persons with Disability (PWDs) sa probinsiya ng Cagayan. Idinagdag pa nito na nais magtatag ng isang opisina para sa PGC na isasama sa budget implementation ng probinsiya para tumugon sa issues and concern at mga programa ng nasabing sektor.
Kabilang sa mga paralympic games sa kategorya ng Intellectual Disability ay ang 100-meter run, 200-meter, shotput, running long jump sa youth and junior category girls and boys; Visual Impairment category ay kinabibilangan naman ng 100-meter run, shotput, at standing long jump; at sa Orthopedic Category ay swimming (boys and girls).
Samantala, sa talents unlimited ay nagtagisan ng galing ang mga kabataang may kapansanan sa pagkanta (solo at instrumentalist), drawing/ painting at pop dance.
Ipinabatid din ni Amalia Decena, National Anti-Poverty Coordinator na ang partisipasyon ng mga learner with disability ay mahalaga na mapasama sa larangan ng isports at iba pa para walang maiiwan sa laylayan.
Sa datos, mayroon ng mahigit 18,000 na PWDs sa lalawigan at 9,000 dito ay mga minor.
Dinaluhan din ng mga PDAO at mga Focal Person sa buong lalawigan ang nasabing aktibidad.