Inatasan ni Gob. Manuel Mamba noong ika-27 ng Hulyo ang Provincial Engineering Office at ang Bids and Awards Committee Office na madaliin ang pagproseso ng nakaambang na mga proyekto ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan bilang tugon sa unemployment ng maraming Cagayano.

Sinambit ng Gobernador ang economic crisis na nararanasan ng bansa sa gitna ng hagupit ng pandemyang COVID-19. Binigyang diin din niya na kailangang magkaisa ang bawat Cagayano sa pagbangon ng ekonomiya at maaaring makatulong sa kanila ang mga proyekto ng Pamahalaang Panlalawigan.

“I am also asking the [Provincial] Engineering Office at BAC, na paspasan natin ang mga Build, Build, Build projects natin because ang dami nating infrastructure projects na [naka] bidding. Paspasan po natin at this point in time. Maybe jobs can be provided for them,” ani ng Gobernador.

Ayon sa datos ng PEO, kabilang sa mga malalaking proyekto na kasalukuyang nasa proseso ng procurement ay ang Concreting of Cabaritan- Alinunu Road sa Ballesteros, Construction of Multipurpose Building/Gymnasium for Aparri East National High School sa Aparri at Material Recovery Facility at Anquiray Demo Farm sa Amulung. Ilan lamang ito sa mga proyektong nakaambang maipatupad.

“We have a lot of infra projects lined up for procurement. Itong projects na mga for procurement. Dito namin kakausapin ‘yung mga winning bidder. Sabihan sila na as much as possible, ‘yung mga unskilled workers at skilled workers particularly, as much as possible, within the locality lang nila i-hire para ma-address ‘yung mga nawalan ng trabaho,” tugon ni Engr. Basilia Flores, Provincial Engineer ng Pamahalaang Panlalawigan, sa mungkahi ni Gob. Mamba.

Ipinaliwanag din ni Engr. Flores na itong mga proyekto ay kasama pa lamang sa listahan ng 2019 budgeted projects ng Pamahalaang Panlalawigan at sinisigurado niyang marami pang paparating na makakatulong sa employment status at ekonomiya ng lalawigan. (Earl Jon Taguinod)