Pinangunahan ni Governor Manuel Mamba ang isinagawang inauguration at turn over ceremony sa dalawang Senior High School Gymnasium sa bayan ng Baggao, Cagayan ngayong Miyerkules, September 13, 2023.

Unang isinagawa ang turn over ceremony sa Baggao National School of Arts and Trades (BNSAT) sa Barangay Dabbac Grande na sinundan sa Agaman National High School sa Brgy. Agaman Proper.

Kaugnay rito, ipinarating ng dalawang paaralan ang kanilang labis ang pasasalamat sa bagong gymnasium na ipinagkaloob ng Provincial Government of Cagayan (PGC) sa pamumuno ni Gov. Mamba.

Ayon kay Evelyn Agron, Principal II ng BNSAT, ito na ang pangatlong pagkakataon na siya’y makasama sa pagtanggap sa mga gymnasium sa naturang bayan.

Aniya, nang maging principal siya sa Brgy. Hacienda at Imurung ng nasabing bayan nitong mga nakaraang taon ay siya rin ang tumanggap sa mga gymnasium na pinasinayaan mula sa PGC kung kaya’t labis ang kanyang pasasalamat sa Gobernador sa ibinibigay na suporta pagdating sa sektor ng edukasyon.

Naghandog din ng sayaw at kanta ang mga guro ng mga nasabing paaralan bilang pasasalamat sa ama ng lalawigan sa bagong pasilidad na kanilang tinanggap.

Nabatid na ang dalawang bagong gymnasium ay napondohan ng mahigit anim na milyong piso.

Samantala, ipinaliwanag ni Gov. Mamba na lahat ng mga proyekyo ay maisasaayos at maibaba kung tamang lider ang papaupuin sa pwesto.

Muli ring hinikayat ng ama ng lalawigan ang mga kabataan lalo na ang mga boboto ngayong darating na Barangay at Sanguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023 na piliin ang mga kandidatong hindi bumibili ng boto.

Hinimok pa ng Gobernador ang mga mag-aaral na makiisa at tumulong sa Krusada Kontra Korapsyon( KKK) para hindi paulit-ulit na nangyayari ang korapsyon.

“Kung hindi na naman tayo marunong pumili ng tamang lider ay tayo na naman ang kawawa,” ani Gob Mamba

Ang mga naturang aktibidad ay dinaluhan ng Unang Ginang na si Atty. Mabel Villarica-Mamba, Schools Division Superintendent Reynante Caliguiran, ilang kawani ng Lokal na Pamahalaan ng Baggao, Consultant on education ng PGC na si Claire Lunas, department heads at iba pang consultants ng kapitolyo.